Abante Tonite Interactive

Modus buking! Masahista pinapatulog ang kliyente bago nakawan

0 386

Himas rehas ang 40-anyos na massage therapist nang nakawan nito ang kliyente na kanyang minasahe gamit ang essential oil na hinihinalang mayroong pampatulog, sa Rizal Park, Maynila.

Kasong theft, Using Fictitious Name and Concealing True Name at Falsification of Document ang kakaharapin ni Evelyn Gabucan, na gumagamit ng iba’t ibang alyas tulad ng Sandra Abanda at Brion Midland, residente ng Cavite at may address din sa Quezon City.

Sa ulat ng pulisya, alas-dos Biyernes ng madaling-araw nang alukin ng suspek si Marcos Santos, 33, para imasahe sa halagang P200 habang nagla­lakad ito sa Rizal Park.

Pinaupo umano si Santos sa dalang upuan ng suspek at sinimulan ang paghilot. Agad umanong nakatulog ang biktima, at nang magising siya ay nawawala na ang kanyang bag na naglalaman ng P10,000, Iphone XR at G-shock na relo na nagkakahalaga ng P5,000.

Agad na nagsumbong sa pulisya si Santos na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. Dakong alas-tres ng madaling-araw nang madakip ang suspek sa panulukan ng R. Salas at Roxas Blvd., Service Road, sa Ermita habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo.

Nakuha sa suspek ang bag ng biktima pero P2,000 na lamang ang cash na narekober.

Nalaman na may mga nakahain pang reklamo laban sa suspek na tulad din ng reklamo ng biktima. (Juliet de Loza-Cudia)