Abante Tonite Interactive

Modus operandi ng Budol-Budol Gang, winakasan ng kapulisan

(Part 7)

0 583

Sa pahayag ni Balucatin kina PO3 Robin Santos, PO3 Josephus Melpaz, PO3 Regor Germedia at PO2 Mark Gil Bolanio, pawang mga imbestigador na humawak sa kaso, nagtanong sa kanya si Ramirez kung saan ang daan patungo sa Honda Service hanggang pumasok na sa usapan si Serrano at himukin siyang sumakay sa dala nilang Toyota Revo.

Habang nasa loob ng sasakyan, hinimok ­siyang ipakita ang dala niyang salapi sa ­wallet na naglalaman ng P3,000 at bibigyan siya ng P5,000 kung ipapakita niya ang laman ng ­kanyang libreta-de-bangko.

Dito na nakatunog ang ginang na isang uri ng panloloko ang ginagawa sa kanya batay sa nabasa niya sa mga pahayagan at balita sa telebisyon kaya’t nagpilit siyang bumaba na ­lamang ng sasakyan.

Nang matiyak ng grupo na hindi nila maloloko ang ginang, tinakot siya ni Serrano na papatayin kung hindi niya ibibigay ang salapi. Dito na napilitang ibigay ni Balucatin ang kanyang wallet na naglalaman ng P3,000 kaya’t nakababa siya ng sasakyan at tiyempong nakahingi ng tulong kina Senior Insp. Hizon na nagsasagawa na ng surveillance operation sa lugar.

Nakuha ni PO3 Leonardo Lim kay Serrano ang P3,000 kinuha niya nang puwersahan sa ginang habang namataan naman ni PO1 Evangelista sa loob ng sasakyan ang limang ­bungkos na budol-budol money.

Kinumpiska rin ng pulisya ang iba pang mga gamit at gadgets sa mga nahuling suspek na hinihinalang nakumlimbat nila sa kanilang mga biktima.

Nang iharap nina Senior Insp. Hizon ang mga nahuli kay Valenzuela police chief Senior Supt. Ronaldo Mendoza, isa-isang nagdatingan ang mga nabiktima ng grupo at positibo silang kinilala na pawang nanlinlang at tumangay sa kanila ng malaking halaga ng alahas at salapi.

Ayon kay Senior Supt. Mendoza, pinipili ng mga suspek na biktimahin ang mga senior citizen dahil bukod sa wala silang kakayahang manlaban, malambot din aniya ang kanilang kalooban at madaling ma-engganyo sa matatamis na pananalita ng mga suspek.

Bukod dito, karamihan sa mga senior citizen ay hindi na gaanong sumusubaybay sa mga balita sa radio at telebisyon at maging sa mga pahayagan kaya’t kahit nababalita ang ginagawang modus-operandi ng grupo, hindi pa rin batid ito ng karamihan sa mga may edad na.

Sa kabila nito, tiniyak ng kapulisan na hindi sila titigil sa pag-TUGIS pa sa iba pang grupo na posibleng may kahalintulad ding modus-operandi at patuloy na nakakapambiktima ng mga senior citizen.

Inuulit ko, sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansa­mantala lang ‘yan, hindi habang panahon ka­yong makapagtatago. Tandaan ninyo: walang ­krimen na hindi pinagbabayaran