Abante Tonite Interactive

Moira, Sam, JK wagi sa MOR Pinoy Music Awards

273

Nanguna sina Moira dela Torre, Sam Mangubat at si Juan Karlos sa kakatapos lamang na MOR Pinoy Music Awards 2019.

Inuwi ng Pinoy rock band na Juan Karlos ang Song of the Year para sa hit song nitong “Buwan.”

Samantala, napa­natili naman ng “Idol Philippines” judge na si Moira ang kanyang titulo matapos makuha muli ang Female Ar­tist of the Year sa pangalawang pagkakataon. Nanalo rin siya ng Best Collaboration of the Year para sa kantang “Kung ‘Di Rin Lang Ikaw” kasama ang December Avenue.

Nasungkit naman ng singer-songwriter na si Sam Mangubat ang inaabangang Male Artist of the Year award para sa awiting “Pagkat Nariyan Ka.”

Band of the Year naman ang Ben&Ben para sa kanilang pamosong kantang “Maybe the Night”.

Kinilala rin ng MOR ang kontribusyon ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid sa industriya ng OPM at ginawad sa kanya ang Lifetime Achievement Award. Hinandugan din si Regine ng isang espesyal na tribute kasama sina Jona, Bugoy Drilon, Daryl Ong, Michael Pangilinan, at Katrina Velarde.

Nagpasaya rin noong Martes nang gabi ang OPM le­gends na sina Jaya, Randy Santiago, Jamie Rivera, Renz Verano, Bituin Escalante at Wency Cornejo.

Nagwagi rin sina Maymay Entrata (LSS Song of the Year), Shanti Dope (Best New Artist), This Band (Digital Artist of the Year), Janine Teñoso with (OPM Revival Song of the Year), Cup of Joe (Regional Song of the Year), at Alex Gonzaga (Phenomenal Artist of the Year). (RFC)