Abante Tonite Interactive

Momo Challenge, may misteryo ba?

547

Mga ka-Misteryo, usap-usapan ngayon ang kinatatakutang Momo Challenge lalu na at kalat na ito sa buong mundo sa mga ulat na big­lang nagpakamatay ang mga batang biktima.

Dahil dito, hindi maiwasan na may magtanong sa akin tungkol dito kesyo isa daw itong paraan ng mga demonyo na makakuha ng mga kaluluwa at dadalhin sa impiyerno, kesyo ito ay isang uri ng hipnotismo sa mga biktima at nagagawa nila ang pagpapatiwakal.

May tanong pa kung saan ba mapupunta ang kaluluwa ng mga batang nagpapakamatay: diretso ba sila sa langit, impiyerno o sa purgatoryo (limbo)?

May mas matindi pang tanong na baka daw alagad ni Satanas ang gumawa ng Momo Challenge app at ang sinumang biktima nito ay didiktahan ng mga kampon ng kadiliman.

Ang lahat ng naiisip natin tungkol sa Momo Challenge ay depende sa ating paniniwala, relihiyon at kung ano ang ating prupesyon.

Natural sa mga nasa larangan ng medisina ay maituturing itong psychological o psychia­tric problem, habang sa law enforcement agencies, malinaw itong cybercrime na ang motibo ay cyberbullying.

Para sa akin, ang epek­to ng Momo Challenge ay sa kabuuang katauhan ng mga biktima – isipan, pisikal at espiritu o mind, body and spirit.

Isipan dahil psychological ang direktang epekto sa mga biktima, pisikal dahil may pana­nakit sa katawan na nauuwi sa pagpapatiwakal at espiritu dahil saan mapupunta ang kaluluwa ng mga biktima.

Sa tanong kung Satanista ang may kagagawan nito? Puwede na­ting isipin na ganito dahil masama ang epekto ng Momo Challenge app at maaaring samantalahin nga ito ng mga demonyo para makuha ang kaluluwa ng mga biktima.

Kung ito ay isang uri ng hipnotismo, puwedeng mangyari dahil may pananakot ang ginagawa sa mga biktima. Ngunit isipin natin na lahat ng mobile app nga­yon ay tila nakaka-hipnotismo o nakaka-adik na.

Ngayon sa tanong kung saan mapupunta ang kaluluwa ng mga namamatay, tiyak kong hindi basta aakyat sa langit dahil trahedya ito sa pamilya ng biktima na sumisigaw ng hustisya.

Para maiwasang mabiktima ng Momo Challenge, mahalaga dito ang gabay ng mga magulang.
Para sa inyong suhestyun at impormasyon, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Salamat. Namaste.