Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Monopolyo sa bakuna ng pneumonia giniba: DOH, HTAC pinuri ng solon

0 596

Pinahintulutan ng Health Technology Assessment Council (HTAC) at Department of Health (DOH) ang dalawang pneumococcal conjugate vaccines (PCVs) na makaentra sa bidding ng PCV bilang bahagi ng paglaban ng gobyerno sa pneumonia na numero unong sakit na pumapatay sa mga bata na may edad na lima pababa.

Kaya naman pinapurihan ni Quezon Rep. Angelina Tan, chairperson ng House committee on Health ang DOH at HTA.

Maituturing ayon kay Tan na ito ay isang welcome development at malinaw aniya na “on the right track” ang DOH.

“The country now has a venue to have an in-depth discussion on matters that affects health programs especially immunization programs,” dagdag nito.

Bago inilabas ng HTAC ang desisyon, iginiit ni Tan na dapat sumalang sa competitive bidding ang PCV.

Nauna ng naglabas ang World Health Organization (WHO) ng ebidensya na ang dalawang bakuna sa merkado na PCV 10 at PCV 13 ay parehong epektibo at mabisang panlaban sa child pneumonia.

Mahalaga batay kay Tan na malusaw ang monopolya sa PCVs para makatipid.
“Both vaccines exist. If the health assessment proves that both PCV10 and PCV13 have the same effects, then we need to go through a procurement process that’s open and competitive so the government can save on costs,” paliwanag ng lady solon.

Ang pahayag ni Tan ay pinagtibay ng ulat ng HTAC.

Sinasabing mas abot kaya ang presyo ng PCV10 na mabisang panggamot sa pneumonia.

Ang ibang PCV na kasalukuyang ginagamit ay maituturing na pinakamahal na bakuna sa ilalim ng National Immunization Program (NIP) na umaabot sa P4.4B na mahigit sa kalahati ng kabuuang P7.2B na budget ng NIP para sa taong 2020.

Sa inilabas na desisyon ng HTAC nitong Hulyo 1, maaari umanong makatipid ang gobyerno ng P8B sa halaga ng bakuna kung mapipili ang PCV 10.

Naniniwala rin si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa ginawang pagrebisa ng HTAC ay magkakaroon ng bidding sa mga bakuna at maghahatid ito ng benepisyo partikular sa alokasyon ng pondo para sa iba pang bakuna sa ilalim ng Expanded Program for Immunization (EPI).

Inabot ng walong buwan ang naging pag-aaral ng HTAC kaya naantala ang pagkakaroon ng bidding para sa pagbili ng PCVs.

Kaugnay nito, inihain na rin sa Kamara ang House Resolution 906 nina AKO PADAYON PILIPINO Rep. Adriano Ebcas, PHILRECA Rep. Presley de Jesus, APEC Rep. Sergio Dagooc at RECOBODA Rep. Godofredo Guya, na humihimok sa DOH na tiyakin ang ligtas na pagpapatupad ng immunization program sa mga bata sa kabila ng mga hamon na dulot ng COVID-19 pandemic.

Nakasaad din sa resolusyon ang apela sa DOH ng pagkakaroon ng sapat na supply ng mga bakuna na kinakailangang dumaan sa patas na bidding para masawata ang pagkalat ng iba pang sakit sa panahong may pandemya.

“An open, fair, competitive public procurement of NIP vaccines provide the Filipino people the broadest possible options for affordable, quality, and registered vaccines, allowing for potential significant savings to the government while at the same time promoting strong public governance,” ayon kay Ebcas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.