Abante Tonite Interactive

Montero nagwala, 12 sinagasa sa waltermart

332

Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang 11 iba pa matapos na suyurin ng Sports Utility Vehicle (SUV) na Mitsubishi Montero ang amusement center ng Waltermart Supermarket kamakalawa nang hapon sa Carmona, Cavite.

Kinilala ng pulisya ang nasawing­ si Rollen Sartiel, 22. Sugatan naman sa insidente ang 11 iba pa na sina Myrna Doctor, 51; Nina Marie Morello, 27; Glennis Gianan, 40; Jinky Oborza, 27; Rhalf Oborza, 4; Florabel Medina, 40; Mark Anthony Gonzales, 34; Mark Leo Ace Gonzales, 4; Jazz Lano, 6; Cian Laurora Sartiel, 3; at Emma Hunsay, 74, na matapos gamutin ay pinauwi na rin.

Pinigil naman sa Carmona Municipal Police Office (MPS) ang driver­ ng nabatid na SUV na si Rosendo Mamucod, 66, na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide, slight physical injury and damage to pro­perty ng pulisya.

Abante Hiring – IT dep

Sa ulat, naganap ang insidente dakong ala-1:30 nang hapon sa Waltermart Supermarket.

Ipaparada na umano ng suspek ang Montero nang bigla umanong magkaroon ng sudden unattended acceleration (SUA) ang kanyang sasakyan dahilan upang suyurin ang loob ng supermarket partikular sa amusement center nito kung saan madaming bata ang naglalaro.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa ikalilinaw ng insidente.

May mga naunang naitalang insidente na rin ng SUA ang Montero Sport na naging dahilan ng mga aksidente.