Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Moomoo vs zombie

0 170

Kung dati eh mga adik, ngayon, ang mga wala pang turok ng COVID-19 vaccines ang parang apple of the eye ng gobyerno mga tropapips.

Kung may tokhang sa “war on drugs,” may mala-ganitong plano rin ang Department of Interior and Local Government. Inaatasan kasi ng DILG ang mga kapitan ng barangay na ilista ang mga kababayan nilang wala pang turok vs COVID.

Hindi nga lang malinaw kung ano ang gagawin sa mga taong wala pang turok ng bakuna. Hindi naman siguro sila puwedeng dalhin sa basketball court at iparada para ipaalam sa mga kalugar nila na wala pa silang turok gaya ng tinatawag na “walk of shame”.

Pero kung para sa ayuda siguro ang listahan o bibigyan ng pabuya ang mga magpapaturok, tiyak na marami tayong ayudanatics na kurimaw na magpapalista kahit pa maka-sampung turok pa sila.

Nagiging isyu nga ngayon kung sino ba ang dapat bigyan ng pabuya–ang mga kusang nagpabakuna ba o ang mga ayaw magpabakuna? May katwiran naman na dapat bigyan ng reward ang mga kusang nagpabakuna dahil hindi nila sinasayang ang mga bakunang binili ng gobyerno na bilyong-bilyong piso ang halaga.

Ang isang paraan ng reward sa mga nagpabakuna, malaya silang makakapasok sa mall o makakapag-dine in. Pero sapat na ba ‘yon? Ang mga establisimyento na nagbibigay noon ng discount, parang nawala na at parang hindi rin bukal sa kalooban nila dahil hindi nila kusang sinasabi ang tungkol sa discount.

Ngayon, parang gusto ng gobyerno na malaman ng mga tao kung sino-sino ang mga walang bakuna sa mga barangay. Kumbaga sa vlogger na nag-u-unbox ng produktong nabili, ang mga hindi bakunado ang gusto ng gobyerno na ma-unboxed.

SM food to go Banner Ad

Bukod sa listahan ng barangay, may “no vaccine, no ride” policy sa public transportation ang Department of Transportation. Para daw limitahan ang galaw ng mga hindi bakunado. Kaya lang, hindi lang ang pasaherong walang bakuna ang mapeperwisyo kung hindi maging ang driver at operator.

Dahil hindi sakop ng kautusan ng DOTr ang mga pasahero, ang mga taxi at operator ang maaaring pagmultahin kapag nakapagsakay sila ng mga pasaherong walang bakuna. Maliban na lang kung may ordinansa sa lokal na pamahalaan tungkol sa katulad na polisiya at direktang pasahero ang paparusahan at pagmumultahin.

Pero ang pagprotekta nga ba sa kaligtasan ng mga hindi bakunado ang dahilan sa paglimita ng kanilang galaw? O kailangan ng gobyerno na matukoy ang mga hindi bakunado para mapuwersa silang mabakunahan na? May mga bakuna na bang mag-e-expire at kailangan nang maiturok?

Kung reward kasi ang pag-uusapan tungkol sa bakuna, aba’y wala nang pinakamalaking reward sa mga bakunado ang pagiging buhay at hindi magiging malala ang sintomas kapag tinamaan ng COVID.

Samantalang sa mga walang bakuna, sinabi nilang biro na ayaw nilang magpaturok dahil  baka maging zombie sila. Cute na joke, pero wala pa namang nagpaturok na naging zombie. Ngunit ang tunay na istorya, kung wala kang bakuna eh baka malala ang tama sa’yo ng COVID at ikaw eh madedo.

Batay nga sa inilalabas na datos ng Department of Health, mahigit 85 na porsiyento ng mga nagiging severe COVID cases sa Metro Manila ay walang bakuna. At tatlong beses na mas mataas ang tiyansang mamamatay sa COVID ang hindi bakunado. Hindi ka nga naging zombie, mas malaki naman ang tiyansang maging moomoo ang mga walang turok ng COVID vaccine. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.