Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Moreno pokus muna sa COVID surge

0 64

Wala pang isang buwan matapos makumpirma noong Disyembre 15, 2021 ang unang dalawang kaso ng Omicron variant, pumalo na sa higit 28,000 ang bagong kaso ng COVID-19 noong Enero 9, 2022. Tambak ang nagkakasakit kaya naman pila-balde ang mga taong bumibili ng gamot sa mga drug store sa bansa.

Kahit na ang mga pharmaceutical company, nabigla sa pagputok ng demand ng paracetamol kaya hindi agad sila nakapag-replenish ng stock sa mga botika. Hindi rin ito natunugan ng Department of Health at Department of Trade and Industry.

Nakita ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang sitwasyong ito kaya naman binigyang prayoridad ang kampanya para labanan ang surge ng COVID-19 sa Maynila bunsod ng Omicron variant kaysa ituloy ang “listening tour” sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

“Wala, hindi ko talaga iniisip. Ang gusto ko talaga ngayon kapag kayo ay na-impeksyon ay magamot namin kayo. Ang gusto ko ngayon, ‘pag may na impeksyon gumaling kayo agad. Gusto naming meron kayong pasilidad, meron kayong doctor,” wika ni Moreno.

Binanggit ng Aksyon Demokratiko standard bearer na ang mahalaga ngayon sa kanya at sa ibang opisyal ng city government ay ituon ang atensyon para mapigil ang pagkalat ng coronavirus sa mga residente ng lungsod.

“Naka-focus tayo dito sa pandemic ngayon, itong surge. Kasi kailangan maagapan natin ito kaya hinahanda ko ang ating lungsod at ating mamamayan. That (Listening Tour) will come later,” paliwanag ni Moreno.

SM food to go Banner Ad

Kailangang aniyang kumilos agad sila dahil hindi lang mga ordinaryong mamamayan ang dinadapuan ng COVID-19 kundi pati na rin ang mga doktor, nars at iba pang medical frontliner. “Just to be fair to the public, to you, marami kaming medical frontliners na nare-infect as of 9 a.m. today, as per report ng ating mga ospital. Marami tayong mga nurses, doctors na nare-infect,” pag-uulat pa niya.

Umaabot sa 12 quarantine facilities ang muling pinabuksan ng alkalde pero posibleng madagdagan pa ito kung patuloy ang pagdami ng bilang ng nagpopositibo sa coronavirus kaya kanyang inalerto ang health department, Manila Disaster Risk Reduction Management Council at Manila Police District na bantayan ang sitwasyon.

Isa sa paraan para malabanan ang pagsirit ng kaso ng COVID-19 ay ang pagbabakuna kaya naman nananawagan ang 47-anyos na alkalde sa mga adult at magulang ng mga batang edad 11-17 na magpabakuna lalo pa’t karamihan sa mga dinadapuan ng coronavirus ay yaong mga hindi pa bakunado.

“So nananawagan po ako, magpabakuna na kayo. Pag hindi po kayo nagpabakuna darating ang araw, ilang oras ngayon o ilang araw ngayon o linggo ay pahigpit ng pahigpit ng pahigpit ang magiging regulasyon sa unvaccinated,” pakiusap ni Moreno.

Sa panahon ngayon, ang pagbabakuna ang tanging proteksyon laban sa Omicron variant. Kung tatamaan ka man, at least hindi ka matetegi.

Leave A Reply

Your email address will not be published.