Abante Tonite Interactive

Most wanted person nalambat matapos ang 14 taong pagtatago Part 7

512

Bukod sa kalibre .45 baril, binili rin ng isa pang extrang uniporme ni Victoria si Gamboa upang may kapalit ang kanyang isinusuot na police uniform na lalong nagpatikas sa pagiging pulis ng lalaki.

Habang lumalaon, hindi na nangingiming humirit ng iba pang mater­yal na bagay si Gamboa sa kanyang Nanay Vicki lalo na’t sinusuklian naman niya ito ng kakaibang pagmamahal na labis na nagpapaligaya sa biyuda.

Ang napapadalas na pagkakaloob ng materyal na bagay ni Victoria sa karelasyong pulis ay hindi na nakaila sa isa sa mga anak ng biyuda na si Jerry Santos kaya’t may pagkakataon na sinasabihan na rin niya ang ina na huwag maging kampante sa pagbibigay ng salapi at materyal na bagay sa ka-relasyong pulis.

Isa ring bukas na aklat sa kanilang mga kapitbahay ang relasyon ng dalawa na kanilang tinaguriang May-December affair bunga ng malaking agwat ng edad ni Victoria kay Gamboa kaya’t batid nila na nakikinabang ng malaki ang pulis sa ginang.

Hindi naman alintana ng dalawa kung pag-usapan o pagtsismisan man ng kanilang mga kapitbahay ang kanilang relasyon lalo na’t hindi naman sila puwedeng panghimasukan ng mga ito, bukod sa bentahe rin sa lalaki ang pagiging kagawad ng kapulisan.

Madalas ay sa inuupahang bahay na rin ni Victoria umuuwi si Gamboa sa halip na sa kanyang tunay na pamilya kaya’t may mga damit at uniporme na rin siya rito na pamalit sa kanyang suot na damit.