Abante Tonite Interactive

Most wanted sa Metro Manila nalambat

0 245

Timbog sa mga operatiba ng pulisya ang isang 24-anyos na lalaking itinuturing bilang No. 1 most wanted person sa Metro Manila dahil sa iba’t ibang kasong kriminal na kinakaharap nito matapos isailalim sa follow-up operation noong Sabado nang gabi sa Tarlac City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) director PBGEN Johnson Almazan, nakilala ang suspek na si Art Cris Viloria y Garcia, mas kilala sa alyas na ‘Kwatog’ at residente ng Brgy. Tumana, Marikina City.

Si Viloria diumano ang kinikilalang lider ng isang criminal group na nag-ooperate sa Marikina City at mga kalapit na siyudad.

Nasakote si Viloria ng pinagsanib na mga operatiba ng Marikina Police Station-Special Operations Unit, Regional Intelligence Unit, Intelligence Group-National Capital Region at Intelligence Section ng Tarlac City Police Station.

Nabatid na nahaharap si Viloria sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga at mga paglabag sa Republic Act No. 10951 o Revised Penal Code (robbery with violence and intimidation against a person at usurpation of authority).

Ayon kay Marikina Police Station-Special Operations Unit chief P/Cpt. Jervies Soriano, naaresto ang suspek bandang alas-11:50 nang umaga sa pinagtataguang bahay sa Block 1, Brgy. San Vicente, Tarlac City.

Bitbit ng mga operatiba ang tatlong warrant of arrest laban kay Viloria na inisyu nina Judge Edwin Valdez ng Marikina Regional Trial Court Branch 7, Judge Maria Cecilia Ty Padua ng MTC Branch 94, at Judge Dennis Tolentino ng RTC Branch 193. (Vick Aquino)