Abante Tonite Interactive

Motor ng pulis sumemplang, misis dedbol

272

Nasawi ang misis ng isang pulis nang aksidenteng bumagsak sa sinasakyan nilang motorsiklo ang basu­rang bed foam na lulan ng garbage truck sa Commonwealth Avenue, Quezon City, Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ni Police Maj. Michael Sanchez, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit, ang biktima na si Ma. Eden Ebit, residente ng Litex Road, Brgy. Commonwealth sa nasabing lungsod.

Dakong alas-8:30 ng umaga nang mangyari ang aksidente habang sakay ng motorsiklo ang biktima na minamaneho ng kanyang mister na si PSSg.
Victoriano Balmaceda Ebit.

Habang binabaybay nila ang northbound lane ng Commonwealth Avenue, bago dumating sa kanto ng Kalayaan Street, ay aksidenteng bumagsak sa kanila ang malaking bed foam na lulan ng garbage truck na nasa unahan nila.

Nawalan ng kontrol ang sinasak­yang motorsiklo ng mag-asawa hanggang sa sumemplang ito at nahulog ang biktima sa semento dahilan para mabagok ang ulo nito.

Isinugod pa ang biktima sa Gen. Malvar Hospital pero hindi na ito naisalba.
Tumakas naman ang driver ng garbage truck kaya pinaghahanap na ito ngayon ng mga tauhan ng Quezon City Police District Traffic Sector 5. (Dolly Cabreza)