Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Motorboat taob sa alon, 7 sakay nadale

0 197

Anim na mangingisda ang nasagip habang isa pa ang nawawala sa matapos na itaob ng malakas na alon dulot ng bagyong Quinta ang kanilang bangkang pangisda nitong Linggo sa Virac, Catanduanes.

Ayon kay Mark Matira, ng Virac Municipal Disaster and Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), dakong alas-7:20 ng umaga nang masagip ang mga mangingisdang nakilalang sina Joshua Bora, 22; Christopher Bora, 25; Arnulfo Borral, 35; Anthony Boral, 31; Elorde Bora, 21; Julius Boqueo, 33, pawang mga residente ng San Miguel, Tabaco City, Albay.

Habang isa pa ang nawawala na nakilalang si Joselito Ouapeuprecua, 50, ng nasabi ring lugar.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang mga mangingisda ay nasagip habang palutang-lutang sa dagat sakop ng Barangay Balite at Barangay Talisoy, Virac, Catanduanes.

Base sa salaysay ng mga biktima, pumalaot sila noon pang Oktubre 21 at doon ay inabot sila ng bagsik ng panahon dulot ng bagyong Quinta at nilamon ng malaking alon ang kanilang bangkang de motor hanggang sa ito ay lumubog.

Nakuha namang makakapit ng anim sa tumaob na bangka subalit tinangay naman ng malalaking alon ang kanilang kasamahang si Ouapeuprecua.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng Virac Municipal Police Station (MPS) ang nasagip na mga mangingisda habang patuloy ang search and rescue operation sa isa pa nilang nawawalang kasamahan. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.