Abante Tonite Interactive

Motorcycle rider gumulong sa EDSA

By
32

Malubhang nasugatan ang isang motorcycle ri­der matapos sumemplang ang kanyang sasakyan hanggang sa nagpagulong-gulong pa ito pagbagsak sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) na sakop ng Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Caloocan City Police-Traffic Unit, pasado alas-kuwatro ng madaling-araw nang sumemplang ang motorsiklo ng hindi pa nakikilalang biktima habang kalalapagpas lamang nito sa Monumento Circle.

Mabilis di umano ang patakbo ng motorsiklo ng biktima nang bigla na lamang itong nagpreno matapos makita ang mga tauhan ng Police Community Precinct 1 ng lungsod na nagsasagawa ng checkpoint ng mga oras na iyon.

Abante Hiring – IT dep

Nawalan ng balanse ang motorsiklo hanggang sa tuluyan itong sumemplang. Nagpagulong-gulong pa ang biktima sa EDSA pero agad naman siyang nasaklolohan ng mga rescuer na rumesponde sa insidente.

Noong una, inakala umano ng mga pulis sa checkpoint na patay na ang biktima dahil hindi na ito gumagalaw.

Pero nang maramdaman ng mga rescuer na may pulso pa ito ay mabilis nilang isinugod sa Caloocan City Medical Center.

Inoobserbahan ngayon sa nasabing ospital ang kalagayan ng biktima na hindi pa umano nagkakamalay.

Hindi pa malaman kung sino ang biktima dahil wala man lang nakitang kahit na anong identification card sa kanya.

Hinala rin ng mga awtoridad na posibleng walang lisensiya ang biktima kaya bigla itong nagpreno para umiwas sa checkpoint.