Abante Tonite Interactive

Motorista halos mahati ang katawan sa trak

0 377

Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang motorist nang halos mahati ang katawan nito makaraang mahagip at magulungan ng isang truck sa bayan ng Calasiao, Pangasinan noong Miyerkules

Ayon kay Calasiao Police Station (CPS) officer-in-charge P/Lt. Col. Joseph Fajardo, hindi muna kinilala ang pangalan ng biktima na nakatira sa nasabing bayan, ayon na rin sa kahilingan ng mga kamag-anak nito.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Fajardo na naganap ang insidente sa may national road bahagi ng Barangay San Miguel ng nasabing bayan.

Base sa report ng CPS traffic division, nakatigil umano ang motorsiklo ng biktima upang pagbigyan ang papasok sa intersection patungong Barangay Parungquing nang biglang nawalan ng preno ang isang delivery truck dahilan upang suwagin ang biktima.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima sa kaharap na van hanggang sa tumilapon din sa gitna ng kalsada at nakaladkad muli ng trak.

Dead on the spot ang biktima habang ang driver ng truck ay nasa kostodiya na ng CPS.

Inihahanda na ang patung-patong na kasong kakaharapin ng driver. (Allan Bergonia)

Tonite – Wendys Inhouse Ad