Abante Tonite Interactive

Motorsiklo vs jeep: 3 patay, 13 sugatan

148

Nasawi ang tatlong sakay ng motorsiklo nang sumalpok ito sa kasalubong na jeep kung saan lulan naman ang dalawang pamilya na patungo sana sa sementeryo sa Bago City, Negros Occidental nitong Sabado ng madaling-araw.

Kinilala ang isa sa nasawing biktima na si Arnold Villeran na siyang nagmamaneho ng motorsiklo at nakatira sa Brgy. Bantayan, Bago City, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa nitong pasahero.

Samantala, 13 katao na sakay ng nakabanggaang jeep ang bahagyang nasugatan kabilang ang nagmamaneho nito na nakilalang si Christopher Pantaleon.
Sa inisyal na ulat ng Bago City Police, pasado alas-kuwatro ng madaling-araw nang mangyari ang salpukan sa Purok Gumamela, Brgy. Calumangan sa nasabing lungsod.

Sa lakas ng bangga ay tumilapon ng ilang metro ang mga sakay ng motorsiklo dahilan ng agaran nilang kamatayan. Sumalpok naman sa puno sa tabing kalsada ang jeep pero masuwerteng pawang minor injury lang ang tinamo ng 13 mga sakay nito.

Lumalabas sa imbestigasyon na nag-overtake ang motorsiklo ng sinasakyan ng tatlong nasawi na walang helmet sa kasunod na sasakyan at hindi napansin ang paparating na jeep. (Edwin Balasa)