Abante Tonite Interactive

Mouthwash, gamot sa balakubak?

By
534

Wa epek ba ang mga gamit mong anti-dandruff shampoo? Ka­ting-kati ka pa rin ba at kamot nang kamot sa namumutakting balakubak sa iyong anit?

Bakit hindi subukang gumamit ng mouthwash? Oo, hindi ka namamalikmata – mouthwash na ginagamit mo na pangmumog. Ang mouthwash ay hindi lang pala gamit sa mabahong hininga, puwede rin itong gamot sa balakubak.

Para sa malalang kaso ng balakubak, maligo gamit ang iyong paboritong shampoo. Imbes na tubig, ban­lawan ang buhok gamit ang mouthwash. Gumamit ng conditioner pagkatapos. Ang sangkap na nasa mouthwash na pumapatay sa mga fungus ang hahadlang sa pagdami ng yeast na sanhi ng balakubak.

Resulta ng pagkakaroon ng ­tuyong anit o ng isang partikular na kondisyon ng balat na kung tawagi’y seborrheic dermatitis ang balakubak o dandruff. Maaari ring dala ito ng pagkakaroon ng ilang sakit sa balat tulad ng eczema, psoriasis at iba pang skin disease.

Marami pang ibang home remedies na puwedeng su­bukan para magamot ang ba­lakubak.

Epektibong panlunas sa balakubak ang aloe vera – nakapagpapawala ng kati ang malamig na sangkap nito. Kunin ang gulaman sa dahon nito. I-masahe sa anit at buhok.

Mabisa rin ang bawang – pinapatay nito ang mikrobyong sanhi ng balakubak. Magdurog ng ilang piraso ng bawang saka ikuskos sa anit. Para maiwasan ang hindi kaaya-ayang amoy, huwag kalimutang magbanlaw nang maayos pagkatapos.

Puwede ring subukan ang calamansi. Tutulong ang asido na nasa calamansi para mabalanse ang pH level sa anit mo, tiyak na tepok ang mga mikrobyo na sanhi ng pagdami ng balakubak.

Ang sa akin lang, hindi kailangang maging magastos sa paghahanap ng solusyon sa pabalik-balik na balakubak. Maraming home remedies na puwedeng subukan. Tiyakin lang na kumonsulta pa rin sa mga eksperto para hindi mapahamak.