Abante Tonite Interactive

MPD bokya pa sa nilikidang DOLE lady exec

0 123

Blangko pa sa kanilang imbestigasyon ang Manila Police District (MPD) sa naganap na pananambang sa senior labor and employment officer ng Department of Labor and Employment (DOLE) kamakalawa sa Malate, Maynila.

Sinabi ni MPD Director P/BGen. Bernabe Balba na nangangalap pa sila ng impormasyon para mabilis na maresolba ang kaso ng pagpatay sa biktimang si Helen Dacanay, 59, senior labor and employment officer na nakatalaga sa DOLE Manila head office, taga-Block 11, Lot 1, Casimiro THMS Queensrow East, Molino, Bacoor, Cavite.

Nakikipag-ugnayan na rin ang MPD sa barangay at mga establisimyentong malapit sa crime scene upang makita kung nahagip ng CCTV ang pananambang.

Sa imbestigasyon ng MPD-homicide section, alas-4:45 nang hapon noong Lunes nang maganap ang krimen sa Malvar St., Malate.

Galing umano si Dacanay sa DOLE Manila head office sa San Marcelino St. kanto ng Malvar St., at sakay na ng itim na Honda Brio na may plakang ACA-7338 nang bigla na lang tambangan at pagbabarilin ng riding in tandem.

Idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Maynila ang biktima.
Nakatakas naman ang mga suspek na hindi nakilala ng mga testigo dahil sa suot nilang bull caps at face masks.

Hindi naman tinamaan ng bala si Atty. Agata Ann Daquigan, labor arbiter sa DOLE main office at kasama ni Dacanay sa sasakyan.

Sinabi ni Balba na nakarekober ang mga awtoridad sa crime scene ng hindi bababa sa 14 basyo ng bala, indikasyon aniya na walang balak ang mga suspek na buhayin pa ang biktima. (Juliet de Loza-Cudia)