Abante Tonite Interactive

MRT-3 tumirik, 60 pasahero pinababa

262

Umaabot sa 60 pasahero ng Metro Rail Transit (MRT)-3 ang pinababa matapos na tumirik ang isa nilang tren dahil sa mechanical failure noong Lunes nang umaga.

Sa inilabas na advisory ng Department of Transportation (DOTr)-MRT-3, dakong alas-8:07 nang umaga nang magbaba ng mga pasahero ang tren sa southbound lane ng Kamuning, Quezon City Station.

Depektibo o may kalumaang mga mechanical component ang itinuturong dahilan ng aberya.

Agad namang inilipat ang mga pasahero ng nasirang tren sa kasunod na biyahe makalipas ang apat na minuto.

Humingi naman ng paumanhin sa publiko ang DOTr-MRT-3 dahil sa abalang idinulot ng aberya sa mga pasahero.

Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City, at vice versa. (Edwin Balasa)