Abante Tonite Interactive

MTRCB aminadong walang werpa sa ‘Ang Probinsyano’

384

Nilinaw ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Rachel Arenas na walang kapangyarihan ang ahensiya para ipatigil ang pagpapalabas sa telebisyon ng teleseryeng ‘Ang Probinsyano’ dahil lamang sa diumano’y hindi magandang pagsasalarawan sa mga pulis.

“Wala po sa poder namin ‘yan,” diin ni Arenas.

Hindi rin aniya maaaring tanggalin ng ahensiya ang mga eksena na inirereklamo ng Phi­lippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Kasi kaming MTRCB, hindi kami nagse-censor,” dagdag pa niya. “We cannot also prohibit negative depictions kasi we are sort of a bridge doon sa constitutionally protected freedom of expression, and also the right of the state to regulate.”

Ipinaliwanag din ni Arenas na wala siyang nakikitang mali sa depiksyon ng mga pulis sa ‘Ang Probinsyano’ bilang masasama dahil may ‘redeeming factor’ o magandang value na napupulot ang mga manonood.

“Doon sa mga nakikita namin na past episodes, mayroon naman ding natututunan ang mga bata, na the good always prevails,” saad ni Arenas na nagsabi pang walang nilalabag na guidelines ng MTRCB ang teleseryeng pinagbibidahan ni Coco Martin.

Binanggit pa niya na noong Oktubre pa nagreklamo ang PNP kaya’t nagpatawag siya ng dialogue sa pagitan ng mga opisyal ng Pambansang Pulisya, DILG at ng ABS-CBN na nagresulta sa pagbuo ng Memorandum of Agreement.

Pero dahil sa hindi sina PNP chief Director General Oscar Albayalde at DILG Secretary Eduardo Año ang humarap sa miting, hindi sigurado si Arenas kung nakarating sa dalawa ang resulta ng kanilang dialogue.
Matatandaang binawi na ng PNP ang tulong at suporta sa “Ang Probinsyano.”

Sa kabila nito, nakatakda namang pulungin ng mga opisyal ng DILG ang producer, director at staff ng teleserye upang ayusin ang problema sa hindi magandang pagsasalarawan sa mga pulis.

“As we said previously, we are always open to dialogue and we look forward to meeting with them soon,” ayon kay Año.