Abante Tonite Interactive

MTRCB chief nireklamo; Board itsapuwera sa budget

358

Inireklamo sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na si Maria Rachel Arenas, dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Batay sa rekla­mong inihain sa PACC ni MTRCB Board member Avelino ‘Billy’ Andal, sinasarili umano ni Arenas ang mga desisyon sa ahensiya nang hindi idinadaan sa pag-apruba ng MTRCB board, gaya na pagsusumite ng taunang budget para sa ahensiya na dapat ay sumailalim sa approval ng MTRCB board.

Makailang beses din umanong bumiyahe sa abroad si Arenas subalit wala itong ibinigay na detalye sa kanyang official trips, at wala ring resulta kung ano-ano ang naging resulta sa mga biyahe nito.

Sinabi ni Andal na walang ibinigay na report si Arenas tungkol sa mga naging biyahe nito gayong mayroong batas na dapat ilahad kung ano ang mga ginawa sa ibang bansa.

Sinabi ni Andal, na bukod sa foreign trips ng MTRCB chief ay nagdaos din ito ng meeting sa Manor Hotel sa Baguio kung saan nanatili sila ng tatlong araw, kasama ang 12 empleyado ng ahensiya at nagrenta ng malaking aircon bus gayong lalabing-dalawa lamang ang sakay.

Bukod sa Baguio ay nagpa-seminar din umano si Arenas sa mamahaling resort hotel na Las Casa Filipinas sa Bataan sa loob ng tatlong araw kung saan gumastos ang ahensiya ng halos isang milyong piso, at wala na namang ibinigay na report sa Board. (Aileen Taliping)