Abante Tonite Interactive

Multo ng amo bantay-sarado sa negosyo

0 331

Mga ka-Misteryo isang kuwentong karanasan ang ibinahagi sa #TeamMisteryo ni Oscar na pinagpakitaan ng multo ng among negosyante.

“Basta may Misteryo, alamin ang totoo!”

Namatay sa aksidente ang amo ni Oscar habang pauwi sa kanilang bahay, dahilan para maapektuhan ang kanilang operasyon sa tindahan.

Mabait ang kanilang amo noong nabuhuhay pa at alagang-alaga silang mga empleyado kaya todo ang kanilang paghihinagpis nang siya ay mamatay.

Ngunit tuloy lang ang kanilang pasok sa trabaho sa katwiran ng anak ng negosyante, na anuman ang nangyari ay hindi nila puwedeng pabayaan ang negosyo.

Isang gabi, naiwang mag-isa sa tindahan si Oscar dahil huling gabi na ng lamay ng nama­yapa nilang amo nang may mapansin siyang nakaupo sa opisina ng kanyang boss.

Hindi muna pinansin ni Oscar at inasikaso ang mga kostumer nila na namimili sa tindahan hanggang sa pagsapit ng alas-10 nang gabi at kailangan niyang iligpit ang lahat para maisara ang tindahan.

Napadaan sa tapat ng opisina ng kanyang amo si Oscar at malinaw niyang nakita ang namayapang amo na nakaupo at nakatingin sa kanya.

Sanay na siya sa ganu’n nu’ng nabubuhay pa ang kanyang amo pero ng gabing iyon ay kakaiba dahil alam niyang patay na nga ang negosyante.

Nagmamadali siya sa pagliligpit ng mga gamit para makauwi na dahil nakaramdam na siya ng takot…at eksaktong pagyuko niya ay may nakita siyang nakatayo sa harap niya at kabisado niya ang hitsura ng sapatos…na paborito ng kanyang amo.

Biglang tumayo si Oscar nang hindi tiningnan kung sino ang nakatayo at nagmamadaling lumabas nang hindi lumingon.

Nang tanungin ng #TeamMisteryo kung ano ang sumunod na nangyari:
Oscar: “Ang bilis ng pangyayari nagawa kong isara ang tinda­han nang hindi tumingin o lumingon baka makita ko ang multo.”

Team Misteryo: “Nakita mo ba mukha?”

Oscar: “Hindi na kasi nagmamadali akong umalis.”

Sadyang hindi agad makatawid sa kabilang buhay ang mga nama­yapa lalo na at malakas pa ang koneksyon nila sa mundo ng mga buhay. Mahalaga ang pag-aalay ng panalangin sa mga namatay.

***

Para sa inyong mga katanungan at suhestiyon, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang websites: www.reytsibayan.com at abante.com.ph.