Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Municipal administrator todas sa ambush

0 244

Patay ang municipal administrator ng bayan ng Pilar sa lalawigan ng Capiz matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang riding in tandem sa harap ng isang hardware sa Baranay Lawa-an, Roxas City Linggo ng hapon.

Idineklarang dead on arrival sa Capiz Doctors Hospital sanhi ng tinamong mga bala ang biktimang si John Heredia, 54, municipal administrator ng Pilar, Capiz at taga-San Jose Village, Barangay Tiza, Roxas City.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente alas-2:20 ng hapon sa parking lot ng City Hardware sa Kilometer 3, Barangay Lawa-an.

Pasakay na umano ang biktima nang sumulpot ang gunman at malapitang pagbabarilin ang biktima bago tumakas ang gunman patungo sa pulang Bajaj na motorsiklo na naghihintay sa kanyang hindi kalayuan at mabilis na tumakas ang mga ito.

Ayon sa mga saksi, ang gunman ay may taas na 5’3 – 5’4, naka-face mask at grey na hoodie jacket.

Sinubukan pang isalba ang buhay ng biktima subalit idineklara na itong dead on arrival sa pagamutan.

Ang pagpatay sa biktima ay kinumpirma naman ng asawa nitong si Atty. Cris Azarcon-Heredia at sinabing patuloy nilang hinihintay ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa krimen. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.