Abante Tonite Interactive

Municipal treasurer, misis inambus

293

Sugatan ang isang municipal treasurer at asawa nito matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga lalaki ang kanilang sasakyan Miyerkoles ng hapon sa Guindulungan, Maguindanao.

Kinilala ang mga biktimang ginagamot ngayon sa hindi binanggit na pagamutan matapos magtamo ng mga bala sa katawan na sina Roshel Kuit, acting municipal treasurer ng bayan ng Ampatuan, Maguindanao, at mister na si Jeric Kuit, dating human resources management officer ng isang banana plantation sa nabanggit na lalawigan.

Sa ulat ni Police Maj. Zul Kunakon, hepe ng Guindulungan Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente alas-tres ng hapon kamakalawa sa Brgy. Bagan ng nabatid na bayan kung saan pauwi na sana ang mga ito.

Lulan ng itim na Mitsubishi Pajero ang mga biktima nang pagbabarilin ang mga ito ng mga suspek na naka posisyon sa magkabilang kalsada saka mabilis na nagsitakas.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya. (Edwin Balasa)