Abante Tonite Interactive

Municipal treasurer sa Occidental Mindoro, inambus

0 224

Namatay noon din ang isang municipal treasurer sa Sta. Cruz, Occidental Mindoro makaraang tambangan ng riding-in-tandem kamakalawa nang gabi.

Kinilala ang biktimang si Reydante Bernardo De Lara, 53-anyos, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sa ulat na ipinadala ng Occidental Mindoro Police Provincial Office sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-6:30 nang gabi sa kahabaan ng national road sakop ng Brgy. Mulawin sa bayan ng Sta. Cruz.

Sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima ng bigla na lang itong pagbabarilin ng dalawang lalaking naka-bonnet pagsapit sa pakurbang bahagi ng kalsada.
Matapos masigurong patay na ang biktima ay saka lang mabilis na tumakas ang mga suspek.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang gayundin ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (Edwin Balasa)