Abante Tonite Interactive

Muntik madisgrasya sa gumagalang kaluluwa

0 454

MISTERYO
REY T. SIBAYAN

Mga ka-Misteryo karaniwan nating naririnig ang mga kuwentong karanasan na nakakakita ng mga white lady pero kakaiba naman itong naidulog sa #TeamMisteryo na karanasan ni Mang Eddie ng Pasay.

‘Yan ang misyon natin: “Basta may Misteryo, Ala­min ang Totoo!”
Madaling-araw na kung pumasok bilang company driver sa Pasay si Mang Eddie at karaniwan niyang binabaybay ang kahabaan ng Gil Puyat avenue mula sa Pasig bagaman may mga pagkakataon na napapadaan siya sa Macapagal boulevard.

Alas-kuwatro noon ng madaling-araw ay kakaiba ang naramdaman ni Mang Eddie mula pa sa kanilang bahay sa Pasig papasok sa kanyang trabaho, tila aburido siya hanggang sa pagmamaneho niya.

Kaya doble-ingat siya sa driving at naniniwala siyang babala ito sa kanya na mag-­ingat. Naniniwala siya sa mga pamahiin at paniniwala ng mga matatanda na kapag kinutuban ay kailangang mag-ingat.

Ito ang dahilan kung bakit hindi siya dumaan nu’ng madaling-araw na yun sa Buendia at dumiretso na Lang siya ng EDSA patungong Pasay.

Bagaman inaantok pa siya, malinaw naman ang isipan ni Mang Eddie at nakatulong ang ininom niyang kape para alerto siya habang nasa kalsada.

Pagsapit ni Mang Eddie sa Macapagal boulevard sa Pasay, biglang kumabog ang kanyang dibdib at pagliko niya sa isang kanto ay napa-preno siya nang biglang may patawid na mga nakabarong na lalaki.

Bumusina si Mang Eddie pero parang walang narinig ang tatlong lalaki na nakaba­rong at muntik pa niyang mahagip ang nasa gawing likuran pero sinaklot siya ng sindak nang biglang maglaho sa kanyang paningin ang tatlong lalaki.

Related Posts

Buti na lamang at naikabig niya sa tabi ang sasakyan at hindi siya bumalandra sa center island ng kalye.

Nang tanungin ng #TeamMisteryo si Mang Eddie kung ano ang hitsura ng mga nakabarong na lalaki.

Team Misteryo: “Mang Eddie, nakita niyo ba ang mukha ng mga nakabarong na lalaki?”

Mang Eddie: “Yung isa napansin ko malalim ang mata pero parang nalilipad ng ­hangin ang mukha.”

Team Misteryo: “Nakita mo ba silang nag­lalakad o parang nalilipad lang ng hangin?”

Mang Eddie: “Pakiwari ko nakalutang sila, hindi ko kasi nakitang nakalapat mga paa nila sa kalsada at parang tinatangay sila ng hangin.

Karaniwan tayong nakakarinig ng mga white lady na biglang tumatawid sa kalsada kaya nagiging dahilan ng mga aksidente pero bihira ang ganitong pagkaka­taon na ang nakitang biglang sulpot patawid sa kalsada ay mga lalaking nakaba­rong o nakaputi.

Sadyang delikado ‘pag biglang sumusulpot ang mga gumagalang kaluluwa patawid ng mga kalsada kaya mainam na bumusina sa mga tinaguriang ‘accident prone area’ dahil karaniwan dito naipon ang mga kaluluwa ng nga biktima ng aksidente lalo na ang mga hindi pa nila matanggap na patay na sila.

Para sa mga karanasan niyong paranormal, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang website: www.reytsibayan.com, abante.com.ph, tonite.abante.com.ph.