Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Murang imported rice babaha sa tapyas buwis

0 190

Nangangamba ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na bumagsak ang presyo ng palay na ikalulugi muli ng mga magsasaka at rice mill sa susunod na anihan matapos ibaba ang buwis sa imported na bigas.

Binagsak ng Malacanang ang taripa sa bigas sa 35% ngayong taon sa ilalim ng Executive Order No. 135 kaya’t makapapasok sa bansa ng mas mura ang mga bigas galing China, India at Pakistan.

“Hindi lang rice farmers ang pahihirapan ng EO 135 kundi pati rice millers at iba pang sektor na umaasa sa rice industry,” sabi ni SINAG chair Rosendo So.

Sa ngayon, nasa P19 per kilo pa ang tuyong palay at P17 per kilo naman kung medyo basa pa ito.

Sa kuwenta ng SINAG, pumapatak na nasa P24.28 per kilo lamang ang bigas mula India sa ilalim ng bagong taripa at hindi matatapatan ng mga local miller at magsasaka ito.

Para matapatan ang ganitong presyo, P12 per kilo lamang dapat makuha ng mga rice mill ang basang palay at P15 per kilo ang tuyong palay mula sa mga magsasaka.

SM food to go Banner Ad

Dahil dito, humihingi ng tulong ang SINAG sa Senado para maglaan umano ng P205 bilyon upang mabili ang 11.5 toneladang aanihin mula Hunyo hanggang Disyembre ngayong taon.

Ang naturang pondo ay maaari umanong gamitin para maglagay ng P17.80 per kilo na support price para sa palay upang patuloy pa ring magtanim ang mga magsasaka at matiyak ang lokal na produksyon kahit pa dehado na ang mga rice producer sa bansa.

Sabi ni So, nakipag-usap na rin ang SINAG sa Philippine Confederation of Grains Associations (Philcongrains) para tolling fee na lamang ang sisingilin ng mga rice miller sakaling bilhin ng pamahalaan ang ani ng mga magsasaka.

Sa ganitong presyo, makalalaban umano ang mga magsasakang Pinoy sa bigas ng Vietnam at Thailand na naibebenta ng P28 hanggang P30 per kilo dapat.

Sumbat pa ng SINAG kay Agriculture Secretary William Dar, inisip pa ba umano nito kung sino pa ang magtatanim ng bigas ngayong babagsak ang presyo ng palay at tumataas ang pataba at mga kailangan para sa pagtanim nito. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.