Abante Tonite Interactive

Murder ni Vice Mayor niluto sa Sandra Cam resort

1,194

Sa isang resort umano na pag-aari ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam ­pinlano ang pagpatay kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III noong nakaraang taon, ayon sa testimonya ng isang tuma­yong saksi sa kaso.

Batay sa mga dokumentong nakuha mula sa Department of Justice (DOJ), isang tumayong witness na si Amelita ­Albiola ang nagpahayag na noong Setyembre 2018 nabuo ang planong pagpatay kay Vice ­Mayor Yuson sa isang resort sa Masbate na pag-aari ni Sandra, kung saan ito ay namamasukan ­bilang empleyado.

Kinuha umanong Comelec watcher ni Sandra, na siyang tinuturong utak ng krimen, si Albiola upang tumulong sa voter’s registration sa May 2019 local election kung saan tumakbong mayor ang anak nitong si Marco na kalaban ng anak ng biktimang si Charmax Yuson.

Natalo umano ang anak ni Cam habang nanalo sa halalan si Charmax.

Setyembre 2018 ay nakita umano niyang nag-meeting sa resort sina Cam kasama ang anak nitong si Marco at mga tauhan na sina Purisima, Nelson, Gilbert Bocboc, Esteban Ballesteros, Severnino Alforte, Gerlie Joy Canezal, Peter Julius Tresvalles, Salvador Vale at Ronnie Mamorno.

Dito umano nabuo ang plano na i-harass at patayin si VM Charlie.
Sinabi ni Albiola na inutusan ­umano ni Sandra si Nelson Cambaya na ­humanap ng gunman na papatay sa mag-amang ­Yuson at dito, isang nakilalang Junel ­Gomez alyas Bunso ang inutusang gawin ang pagpatay.

Magugunita na pinatay si VM Yuson noong Oktubre 9, 2019 sa Sampaloc, Maynila habang kumakain ng agahan sa isang karinderya. Nagtamo ang biktima ng 8 tama ng bala sa ulo at katawan na siya ­nitong ikinamatay.

Nahuli sa insidente ang mga suspek na sina Bradford Solis, Juanito dela Cruz, Junel Gomez at Rigor dela Cruz habang sakay ng Nissan Urvan na may plate No. ACM-8804 na ginamit na getaway vehicle ng mga suspek matapos isagawa ang krimen.

Sina Gomez at Dela Cruz ay kilalang close in bodyguard nina Marco at Cambaya.

Lumutang umano ang conspiracy o sabwatan ng mga suspek sa pagpatay sa vice mayor.

Nauna dito, sinampahan ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) si Sandra Cam kaugnay sa pagpatay kay ­Batuan, Masbate Vice Mayor Yuson noong nakaraang taon.

Bukod kay Cam, kasama rin sa nirekomenda ng NBI na kasuhan ang anak nitong si Marco Martin at limang ibang tauhan nitong sina Nelson Cambaya, Junel Gomez, Bradford Solis, Juanito de Luna, at Rigor dela Cruz.

Una nang inakusahan ni Lalaine, asawa ni VM Yuson, ang nabanggit na PCSO official na utak diumano ng pagpatay sa bise ­alkalde at iginiit na politika ang motibo matapos talunin ng anak ni Yuson na si Charmax ang anak ni Cam sa mayoralty election sa ­Batuan noong 2019.

Mariin namang pinabulaanan ni Cam na may kinalaman siya sa pagpatay kay Yuson.

Tumayong complainant sa isinampang kaso ng NBI sa DOJ ang biyuda ni Yuson. (Nancy Carvajal)