Abante Tonite Interactive

Murder suspect na OFW, dinakma paglapag ng NAIA

460

Makaraan ang 4-taong pagtatago sa ibang bansa, sumuko sa mga awtoridad ang isang la­laking suspek sa kasong double murder at frustrated murder sa bayan ng Laurel, Batangas pagkababa nito sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport kamakalawa nang tanghali.

Sinalubong na sa arrival area ng mga tauhan ng Laurel police ang suspek na si Marc Amo y del Mundo, 31-anyos, residente ng Brgy. Poblacion 2, Laurel, at umano ay isa sa mga suspek sa pagpatay sa dating barangay chairman na si Nestorio Rodriguez at may bahay nito na si Rosalina na nasawi noong Pebrero 28, 2014 matapos hagisan ng granada ang sinasakyan ng mga ito na Mitsubishi L-200 pick up truck.

Nasugatan naman sina Jimmy at Maximo Sarmiento na kasama sa sasakyan ng mag-asawa.

Si Amo at ang dating pulis na isang PO2 Rolando Rodriguez Jr., ang sinasabing riding in tandem suspect na naghagis ng granada sa sasakyan.

Ayon kay Police Captain Eduardo Timbol II, hepe ng Laurel police, si Amo, na dating miyembro ng nalansag na Alvarez gun for hire group ay nakaalis ng bansa at nagtrabaho bilang OFW sa Dubai, matapos isangkot sa kaso.

Subalit bago umuwi ng bansa ang suspek, nag-abiso ito sa mga awtoridad ng kanyang boluntaryong pagsuko upang harapin ang kaso at linisin ang kanyang pangalan dahil noon pa man ay itinatanggi nitong may kinalaman siya sa krimen.(Ronilo Dagos)