Abante Tonite Interactive

Murder suspect ng pastor iniligpit

478

Isang buwan matapos masangkot sa kasong murder, binaril ng hindi nakilalang riding-in-tandem ang sinasabing panguna­hing suspek sa pagkamatay ng isang pastor sa San Juan, Batangas.

Ayon sa San Juan police, agad nasawi ang biktimang si Edwin Razon Triviño matapos itong ratratin habang nagmamaneho ng Toyota Revo sa national road sa Brgy. Calubcub 2, alas-4:30 Martes ng hapon.

Nagtamo ito ng isang tama sa dibdib at hindi na umabot ng buhay sa pinagsugurang San Juan District Hospital.

Tinapatan umano ito ng mga hindi nakilalang suspek na nakasakay sa motorsiklo at saka pinagbabaril.

Sa report, ang nasawing biktima ang itinuturong salarin sa pagkamatay ng 30-anyos na pastor na si Renato Remegio, ng Jesus Alone Church Mission International, na binaril sa harap ng kanyang bahay sa nasabi ring barangay noong Oktubre 28.

Sinasabing usapin sa lupang tinitirahan ng pastor at ng iba pang residente doon ang ugat ng pagpaslang.

Si Triviño ay da­ting katiwala sa pinag-aawayang lupa na pag-aari ng Macalintal Land Proper­ties na ngayon ay sumasai­lalim sa housing pro­ject ng DMCI Homes Corporation. (Ronilo Dagos)