Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mustang durog sa trak, 3 patay

0 273

Patay ang isang negosyante at dalawa nitong pamangkin matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang sports car sa sinusundang 10-wheeler truck na puno ng kargang tubo sa Bacolod City Martes ng madaling araw.

Pawang dead on the spot ang mga biktimang sina Stanley Flores, negosyante, at dalawang pamangkin na sina Welton at Mark John Porcel. Kasalukuyan namang nasa kostudiya ng Bacolod City Police ang driver ng trak na si Michael Mojica, 42.

Sa ulat ni P/Major Charles Gever, hepe ng Police Station 4 ng Bacolod City Police, naganap ang insidente alas-una sa kahabaan ng Circumferential Road sakop ng Brgy. Villamonte ng nasabing lungsod.

Lulan ng sport car na Ford Mustang ang mga biktima na minamaneho ni Flores at mabilis umanong tinatahak ang kalsada kung saan nasa unahan nito ang trak na minamaneho ni Mojica.

Posible umanong dahil sa sobrang bilis ng sasakyan ay hindi na nakontrol ng drayber ang manibela dahilan upang sumalpok ang sports car sa likurang bahagi ng trak at dahil sa lakas ng salpok nito ay pumailalim ang mahigit kalahati ng kotse sa trak dahilan ng agarang kamatayan ng mga sakay nito.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pangyayari. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.