Abante Tonite
Mabilis sa Balita

MWSS pinabaha NCR, Bulacan, Rizal

0 150

inabatikos umano ngayon ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil sa dinanas na malawakang pagbaha sa Metro Manila gayundin sa mga karatig lalawigan katulad sa Bulacan at Rizal.

Ito’y matapos na balewalain umano ng MWSS ang payo ng mga eksperto sa pagpapanatili ng water level sa La Mesa dam tatlong buwan bago ihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang pagdating ng La Niña sa bansa.

Ayon sa mga source ng Bilyonaryo, Agosto pa lang nang payuhan ng technical working group (TWG) ang MWSS na tiyaking mananatili lang sa pagitan ng 72 hanggang 73 metro ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam.

Nabatid na kabilang umano sa TWG ang mga hydro expert mula sa National Power Corporation (Napocor), National Irrigation Administration (NIA) at National Water Resources Board (NWRSB).

Gayunman, binalewala lang umano ng MWSS sa pamumuno ni retired General Emmanuel Salamat ang payo ng TWG at patuloy na pinanatili ang water level sa La Mesa dam ng 79 metro o ilang millimeter na lang para umabot sa 80.15 meter na spilling level.

SM food to go Banner Ad

Ito umano ang dahilan kung bakit agad na lumubog sa baha ang Marikina at iba pang siyudad sa Metro Manila sa kasagsagsagan ng bagyong `Ulysses’. Kabilang din sa grabeng naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Rizal at Bulacan kahit hindi naman umano ito kasinglakas ng bagyong `Ondoy’ na nananalasa sa bansa noong 2009.

Matapos umanong mag-landfall si `Ulysses’ sa Metro Manila noong Huwebes, Nobyembre 12, nagdulot ng `chain reaction’ ang maraming ulan na binuhos nito sa mga dam sa bansa. Wala umanong nagawa ang MWSS kungdi magpakawala ng tubig mula sa Angat, Ipo at sa La Mesa Dam.

“It was already too late when MWSS realized what was happening. Marikina wasn’t affected by heavy rainfall, yet the water level of Marikina River breached Ondoy’s levels in terms of flooding. Obviously, the water came from La Mesa dam,” ayon sa isang source.

Sabi pa ng source, tila iniiwasan ni Salamat na magalit sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte na matatandaang sumiklab ang galit noong Marso 2019 matapos na mawalan ng tubig ang maraming lugar sa Metro Manila dahil sa mababang water level sa La Mesa Dam.

Huli na umano nang mapagtanto ng MWSS ang kanilang pagkakamali. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.