Abante Tonite
Mabilis sa Balita

MX. Marikina 2021

0 21

Julius M. Segovia

Bahagi na ng kultura at tradisyong Pilipino ang mga beauty pageant. Kasaysayan na ang magsasabing napagkakaisa nito ang mga Pilipino saan mang panig ng mundo. Higit lalo ang mga papuri kung naiuuwi ng pambato ng Pilipinas ang korona mula sa mga international competition. Sa katatapos lang na Miss Universe, hindi man pinalad ang manok nating si Rabiya Mateo, napa-wow pa rin niya hindi lang ang mga Pilipino, kundi maging ang ibang lahi sa kanyang angking galing.

Ngayong Hunyo kung kailan ipinagdiriwang ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community ang pride month, iba ang naisip na pakulo ng mga taga-Marikina. Sa pangunguna ni Doc Marshall na kilalang advocate ng SOGIE bill, inilunsad nila ang MX. MARIKINA 2021. Ito ang kauna-unahang virtual advocacy competition sa lungsod na bukas sa lahat ng sexual orientation, gender identity at expression. Ibig sabihin – OPEN TO ALL!

Naiiba rin ito sa nakagisnan at nakagawiang beauty contests kung saan ganda, postura, at talino ang puhunan ng mga kalahok. Dito sa MX. MARIKINA 2021, ang advocacy ng contestant sa larangan at aspeto ng community development ang mas bibigyan ng puntos. Kabilang sa mga paksa na bibigyang pansin ang Edukasyon, LGBTQIA+ welfare, Safe Spaces, Mental Health, Covid-19 response, Volunteerism, Wikang Filipino at Elderly Care.

Kabataan edad 18 hanggang 28 ang mga kalahok sa nasabing contest. Ayon kay Doc Marshall, ‘Ang tunay na lakas ay nagsisimula sa mga kabataan, sapagkat sila ang pag-asa at kinabukasan ng bayan.’

Nitong March 22, nag-courtesy call ang mga contestant kay Doc Marshall upang i-orient kaugnay sa nasabing patimpalak. Sumailalim din sila sa photo at video shoot. Layon din ng aktibidad na itong palakasin sa social media ang tunay na tatak at pagkakakilanlan ng Marikina City bilang ‘Shoe Capital of the Philippines’.

Sa June 26 gaganapin ang coronation night via FB live streaming. Sa huli, humihingi ng suporta si Doc Marshall para sa hangaring mapalakas ang kapakanan at karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+. Aniya, ‘Abangan po natin ang mga magiging bahagi ng nasabing programa. Sana po ay masuportahan natin ang mga programa para sa Bayan.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.