Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Na-botcha si Juan

0 203

Noon, ang itinuturing ng mga lokal na negosyante sa sektor ng agrikultura, lalo na sa larangan ng pagkain gaya ng pagbababoy, manok, isda at iba pang uri ng produktong tubig at dagat ay ang mga salbaheng alagad ng batas na nasa gilid-gilid ng mga kalyeng dinadaan ng mga biyahero,

Pero sa kasalukuyang panahon ay iba na.

Maituturing kasing tila isang pirasong alikabok na lamang ang kitaan sa pangongotong ng mga makakapal ang mukha na mga pulis at traffic enforcer sa mga biyahero sa daan kung ikukumpara sa nabunyag sa pagdinig ng Mataas na Kapulungan sa tongpats sa mga imported na produktong agrikultura na ibinulgar ng anti-pork crusader na si Senador Panfilo Lacson.

Kung sa kalye ay nasa daan-daan habang libong piso lamang ang ‘isinusuka’ ng mga biyahero sa tuwing sila ay papatabihin ng mga tiwaling awtoridad, sa kaban ng bayan ay bilyon-bilyon ang nawawala taun-taon at marahil ay napupunta sa mga kaha de yero at mga bank accounts ng mga buwaya sa gobyerno.

Ang bilyun-bilyon na nabanggit ni Senador Ping ay ang halaga ng taripa na dapat ay nakokolekta ng gobyerno buhat sa mga inangkat produktong agrikultura kung ang mga ito ay napapangasiwaan ng tama sa pagpasok sa mga pantalan sa bansa.

Sa aspetong ito ay hindi ganap na masasabing ang BOC ang ganap na may pananagutan sa responsibilidad dahil ang Department of Agriculture (DA) ay may sariling pangkat na nakatalaga sa mga pantalan sa bansa upang suriin ang mga nabanggit na produkto.

Sa pagdinig ng Senado ay hindi maipaliwanag ng mga naimbitahang opisyal ng kagawaran kung bakit nangyayari ang pagtambak ng mga imported na isda at produktong dagat maliban lamang sa katuwirang ginagawa ang mga ito para bumaba ang presyo sa mga pamilihan na gaya rin ng rason nila sa pagbaha ng baboy.

Pero ang higit na masakit ay ang pagbibingi-bingihan ng kagawaran sa panawagan ng mga negosyanteo sa lokal na industriya ng mga nabanggit produkto na awatin na muna ang pag-aangkat ng sangkaterbang kantidad ng mga ito dahil kaya pa naman nilang suplayan ang pangangailangan.

Kaya ang nangyayari, nawalan na ng buwis ang gobyerno, mamamatay pa ang lokal na sektor dahil paliit nang paliit ang kanilang puwang sa mga pamilihan.

Biruan nga ng ilan na kung hindi matitigil ang ganitong kalakaran ay baka dumating ang pagkakataon na pati ang mga kotongero sa mga kalye ay mawalan na rin ng ‘sideline’ dahil wala nang naglalakbay na biyahero ng mga nabangit na kalakal.

Medyo lihis po ang usaping ito sa sektor na aking binabantayan pero naisip ko po na ibahagi na rin sa inyo ang bahagyang obserbasyon ko dahil bilang mga Pinoy ay obligasyon din naman natin na pangalagaan ang ating kapakanan lalo na po kapag ang sumasalbahe sa atin ay mga kapwa natin.
Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.