Abante Tonite Interactive

NA-TRAP SA GUHO HINUHUKAY!

By
11

Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad sa gumuhong gusali sa bayan ng Kananga at landslide sa bayan ng Ormoc, Leyte kasunod ng magnitude 6.5 na lindol kahapon.

Pinaniniwalaang marami pang indibidwal ang naipit sa pagguho bukod sa dalawang kumpirmadong namatay at humigit kumulang 40 na nasugatan.

Kinumpirma ni Kananga, Leyte Mayor Rowena Codilla na may isang bangkay na silang nakuha sa isinagawang paghuhukay.

“May na-retrieve na kami na isang dead saka isang wounded. I don’t know the age pero yung namatay ay lalaki, tapos babae ang wounded,” ani Codilla.

At hanggang kagabi ay patuloy pa ring nakakakuha ng mga naipit sa guho na kinabibilangan ng dalawang bata.

Ang gumuhong gusali aniya ay isang mayroong grocery, hardware at boutique sa ibaba nito.

Kinumpirma rin ni Ormoc City Mayor Richard Gomez na isang 18-an­yos na babae ang nalibing ng buhay sa tahanan nito dahil sa landslide, ngunit swerteng nailigtas ang 5 buwang gulang na anak nito.

“Meron kaming reported na number of patients dito. ‘Yung iba nadala na namin sa ospital, tini-treat sila,” ani Gomez.

Idinagdag nito, na karamihan sa mga isinugod sa ospital ay na-shock at na-trauma. Yung iba namang casualty ay dinadala umano sa district hospital sa Ormoc.

“Minor injuries lang tapos ‘yung iba naman siguro na-shock ‘yung iba na-trauma sa earthquake. Although merong concerned fatality doon sa isang mountain barangay namin, natabunan ng landslide,” dagdag ni Gomez.

Unang naiulat na nasa humigit kumulang 40 residente ang nasugatan, ngunit hanggang kagabi ay ipinoste ni Mayor Gomez sa kanyang Instagram account na patuloy ang paghuhukay sa mga posibleng nabaon sa guho at nasa 104 na umano ang dinala sa ospital kung saan 10 rito ang kinailangang operahan.

Niyugyog ng lindol ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao dakong alas-4:03 ng hapon.

Nakita ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang epicenter ng lindol sa layong 8 kilometro ng Jaro, Leyte.

Dalawang kilometro ang lalim ng pagyanig na tectonic ang pinamulan.

Naramdaman ang Intensity 6 sa Jaro, Kanagnga at Capoocan sa Leyte; Intensity 5 sa Palo, Leyte; Tacloban City; Cebu City; Mandaue City; Ormoc City.

Naitala naman ang Intensity 4 sa Catbalogan City; Cabucgayan at Naval, Biliran; Tolosa at Bato, Leyte; Hinunangan, Southern Leyte; Sagay City, Negros Occidental; Burgos, Surigao del Norte; Biliran, Leyte.

Intensity 3 ang naitala sa Bogo City at Talisay, Cebu; Roxas City; Iloilo City; Bacolod City; Inopacan at Baybay, Leyte; Sogod, Southern Leyte; Calatrava, Negros Occidental; Tagbilaran City; Jagna, Bohol; Borongan, Eastern Samar; Guihulngan City at Tayasan, Negros Oriental; Cadiz City at Toboso, Escalante, Negros Occidental

Ang Libjo, San Jose, Cagdianao, Dinagat Islands; Sorsogon City; Lapu-lapu City; San Juan, Southern Leyte; Javier, Leyte; Tansay at Sibulan, Negros Oriental; Sorsogon City ay nakaranas naman ng Intensity 2 habang Intensity 1 sa La Carlota City, Negros Occidental; Catarman, Northern Samar.