Abante Tonite Interactive

Nabagsakan ng itak ang anak

139

Hello po gusto ko lang po malaman kung ano ang ibig sabihin ng pa­naginip ko tungkol sa anak ko, batang lalaki, na nahulugan ng itak sa ulo. Nagtimbang daw ng maraming itak at ‘di sinasadya daw nahulugan ang anak ko ng itak sa ulo. Nakabaon daw po ito, ‘di naman ganun kalalim pero dumugo siya ‘di rin naman umiyak ang bata.

Ang itak ay simbolo ng galit. Puwede ring itong simbolo ng power.

Sa iyong panaginip, hindi mo naman hawak ang itak na tila manghahabol ka ng taga kaya maaaring ang pinakamalapit na koneksyon ay ang power na sinisimbolo nito.

Ang iyong anak naman ay representasyon ng pamilya at mga mahal sa buhay. Kung ikokonek mo ang power na sinisimbolo ng itak sa panaginip mo kung saan hindi sinasadyang nabagsakan ng itak sa ulo ang ang iyong anak, puwede itong ikonek sa iyong kagustuhang madisiplina ang iyong anak pero naroon ang takot na masaktan mo siya nang sobra.

Related Posts

Bilang magulang, nasa atin ang kontrol para disiplinahin ang anak pero ito’y ay dapat sakto lamang at hindi magdudulot ng ma­tinding sakit na maaa­ring hindi na malimutan ng anak. Pag-aralan mo ang iyong sarili, kung wala ka namang matinding galit na kinikimkim sa sinumang kapamilya mo, wala ka namang dapat ipag-alala sa iyong panaginip.
Maaaring nais mo lamang silang disiplinahin at ito’y natural lamang sa isang magulang dahil gusto nating luma­king mabuting tao ang ating mga anak.

Ang eksenang nakita mong nasaktan ang iyong anak ay bahagi na ng ating pagmamahal sa ating anak. Bilang magulang, laging naroon ang takot na maaksidente sila o magkasakit o bilang mawala sa iyong buhay. Ang pangambang ito’y hindi na mawawala sa isang magulang na may tunay na pagmamalasakit at pagmamahal sa kanyang anak.

Pag-aralan mo rin ang iyong sitwasyon dahil kung wala namang kinalaman sa iyong pamilya ang iyong panaginip, maaaring ang iyong anak ay simbolo lamang ng isang bagay o taong mahalaga sa iyo. Maaring meron kang pinipigil na emosyon tungkol sa kung anuman ito.

Kung anuman ang iyong naramdaman sa iyong panaginip, magagamit itong basehan para ganap na matukoy kung ano ang pinakamalapit na interpretasyon ng iyong panaginip. Kung ikaw ay labis na nag-alala sa sinapit ng iyong anak, ipinapakita lamang nitong mahalaga siya sa iyo. Gamiting paalala ang iyong panaginip na importanteng sa bawat araw ng ating buhay ay maiparamdam natin ang ating pagmamahal sa ating mga mahal sa buhay.

***
Dream Catcher DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.