Abante Tonite Interactive

Nabugbog ang asawa

257

Gusto ko lang po sana humingi ng tulong about sa panaginip ko tungkol sa asawa ko na binugbog daw po sya dahil lang sa tumapak sya sa nitso. Kinuha sya ng mga tanod at binugbog habang nakaposas. Pangalawa po, may nagbato ng mga bala sa tinitirhan nya yun nga lang po nakaalis na sya sa lugar na yun. Sana po ay matulungan nyo po ako dahil nababagabag po ako sa king panaginip dahil iyak po ako ng iyak.

Ang ganyang bayolenteng panaginip ay nagpapakita na meron kang pinagdaraanang inner conflict. Kadalasan ay bunga ito ng takot sa mga nangyayari, kung hindi man sa iyong aktuwal na sitwasyon ay maaaring sa paligid.

Hindi ka naman dapat mabagabag o kabahan sa iyong panaginip dahil hindi naman ito pangitain kaya ‘wag mong katakutan na may mangyayari nga sa iyong asawa.

Kadalasan na ang panaginip ay representasyon ng mga pangyayari sa ating buhay. Sa iyong panaginip, binugbog ang asawa mo dahil lamang nakatapak siya sa nitso. Ipinakikita ng sitwasyong ito na niresbakan lamang ang asawa mo. Kaya kung ikokonek natin ito sa aktuwal na sitwasyon, puwede mong tanungin ang sarili mo kung meron ka bang nagagawa na sa tingin mo ay nakakaagrabyado ka kahit hindi sinasadya? Meron ka bang naapakang tao kaya posibleng nagkakaroon ka ng guilty feelings at natatakot na magkaroon ito ng resbak sa iyo.

Pag-aralan mo rin ang aktuwal na sitwasyon ng iyong asawa. Meron ka bang nalalaman tungkol sa asawa mo na posibleng siyang nagdudulot ng takot na baka isang araw ay may manakit sa kanya? Maaring ito rin ang pinagmumulan ng iyong pangamba.

Kung wala namang kakaiba sa kalagayan ng iyong asawa, maari naman na ang iyong panaginip ay dala lamang ng natural na pag-aalala natin sa ating mga mahal sa buhay. Sabi nga, kaakibat na ng pagmamahal ang takot na isang araw ay may mangyaring masama sa ating mahal. Natural lamang ito sa nagmamahal. Hindi naman natin pag-iisipan ng ganito ang mga taong wala namang importansya sa atin.

Maihahalintulad ito sa pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak kung saan laging nasa likod ng isip ang takot na isang araw ay mawala ang kanyang anak.

Walang sinumang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa atin at sa ating mga mahal kaya magpakatatag. Sarili mo lamang ang pinahihirapan mo kung lagi mong iisipin ang takot.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.