Abante Tonite Interactive

Nabulabog sa pagtulog dahil sa masamang panaginip

165

Mga ka-Misteryo bigla ba kayong nagising sa inyong pagtulog dahil sa masamang pana­ginip?

‘Yan ang paksa ngayon: ‘Basta may Misteryo, alamin ang totoo!’

Madaling nakatulog si Roman ng Kalookan pagdating mula sa kanyang trabaho at sa gitna ng kanyang pagkakahimbing ay nabulabog siya at napabalikwas mula sa kanyang higaan.

Nainis pa sa kanya ang live-in partner dahil nagising din siya sa lakas ng pagkakauga ng kama. Nag-sorry si Roman at nasambit niya ang nakita sa kanyang pagtulog.

Naidulog sa #TeamMisteryo ang nakita ni Roman na nagagalit siya sa anak na kitang-kita niyang nasangkot sa iligal na droga.

Team Misteryo: “Ano ang gusto mong ma­laman? Kung posibleng mangyari ‘yung nakita mo sa panaginip o hindi?”

Roman: “‘Yun nga kasi bugbog naman sa paalala ang aking mga anak na ‘wag masasangkot sa problemang ganyan.”

Team Misteryo: “Normally, ang pana­ginip ay symbolic o mga simbolo na hindi direktang ganu’n ang kahulugan bagaman meron talagang nangyayaring sakto kung ano ang nakita sa panaginip pero bibihirang pagkakataon ‘yun maliban na lamang kung may mga nauna ka nang dream na nangyari talaga sa reyalidad.”

Roman: “‘Yun nga inaalala ko kasi may panaginip na kong nangyari talaga sa totoong buhay pero huli na nang mabigyan ko ng babala ang aking kaibigan.”

Team Misteryo: “Ang mabuting gawin mo kung mangyari man ‘yon o hindi sa totoong buhay ay kausapin mo na agad ang anak mo at paalalahanan. Walang masama sa mas maagang paalala kaysa magsisi sa bandang huli.”

Tama! Ganyan ang kailangan gawin ng mga tinatawag na ‘prophetic dreamer’ kasi lumalabas na binibigyan ng mas maagang impormasyon ng posibleng mangyari ang isang tao kesyo maganda o masamang mangyayari.

***

Para sa inyong mga kuwentong karanasan ng kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.