Abante Tonite Interactive

Nadine naging wild

By
5,735

MARAMI ang nagulat sa kakaiba at medyo daring na Nadine Lustre sa performance nila sa Revolution concert nila ni James Reid nu’ng nakaraang Biyernes ng gabi na ginanap sa Smart Araneta­ Coliseum.

Ang dinig namin, personal na pinakialaman talaga nina James at Nadine ang concept ng concert.

Parang pa-mature nang pa-mature na nga ang image nila kaya medyo daring na sila at may pagka-wild nga ang kanilang performance.

Pati sa teaser ng bagong pelikula nilang Never Not Love You na dinirek ni Antoinette Jadaone, wala silang ginawa kundi halikan nang halikan, at lumalabas doong nag-live in sila.

Mas mature na nga raw sila ni Nadine sabi ni James, at iyun naman daw ang gusto nila.

Medyo nanibago raw ang mga fans nila lalo na ang mga Naddicts dahil tingin nila hindi pa hinog si Nadine sa mga mapangaha­s na eksena.

Tingnan na lang natin kung tatanggapin ang bagong image niya na mapapanood sa pelikula nilang Never Not Love You.

***

Mike ayaw ipangalandakang ikinasal na

AYAW idetalye ni Mike Tan ang tungkol sa pagpapakasal niya kamakailan lang sa kanyang non-showbiz girlfriend.

Nung sumali pa lang si Mike sa Starstruck ay na­ging girlfriend niya itong asawa na niya ngayon.

Sampung taon daw ang kanilang relasyon bilang magkasintahan, at ngayon ay settled na sila at tahimik pa rin.

Kahit alam naman ng karamihang movie press ang tungkol sa long-time girlfriend niya, tahimik pa rin sila at as much as possible, ayaw na ni Mike na i-publicize pa ito.

Pati nga sa kasal nila nu’ng nakaraang buwan ay tahimik din at mahigpit ang bilin na huwag nang i-post o ibalita pa. ‘Yun naman daw kasi ang gustong mangyari ng asawa niya.

“‘Yun kasi ang pagrespeto ko sa gusto niyang mangyari,” sabi ni Mike.

Ngayon ay lalong na-inspire si Mike na magtrabaho dahil nagsisimula na silang bumuo ng pamilya.­

Tamang-tama lang itong pagsisimula niya sa bagong afternoon drama ng GMA 7 na Hindi Ko Kayang iwan Ka katambal si Yasmien Kurdi.

“Very inspired. Even before naman eh.

“Lahat na trabaho, sineseryoso ko talaga siya. Especially ngayon siyempre,” dagdag na pahayag ni Mike.

Sa February 26 na magsisimula itong Hindi Ko Kayang Iwan Ka na isang ‘adboka-serye’ na tumatalakay sa kuwento ng taong HIV positive.

Ang pakay daw talaga ng seryeng ito ay magkaroon ng awareness ang mga manonood kung paano i-handle ang isang sitwasyon na ang mahal mo sa buhay naging HIV positive.