Abante Tonite Interactive

Nadine-Sam magpapasiklab sa ‘Indak’

395

Muli tayong pabibilibin ng Multimedia Princess, Nadine Lustre, na kakapanalo lamang ng back-to-back Best Actress award mula sa FAMAS at Gawad Urian, at total performer, Sam Concepcion sa pinaka-epic dance movie ng taon, ang “Indak”.

Ang “Indak” ay tungkol sa isang simpleng dalagang si Jen (Nadine), na naka­tira sa isang isla. Mahilig siyang sumayaw, pero hindi niya pinapakita ang kanyang galing sa ibang tao. Hanggang sa naging viral ang isang video na nagsasayaw siya at napanood ito ni Vin (Sam), leader ng dance group na Indak Pinas. Inimbita ni Vin si Jen para pumunta ng Maynila at sumali sa kanilang grupo. Nakumbinsi ni Vin si Jen na sumali sa grupo nila, nang sinabi niya na lalaban sila sa World Dance Championship na gaganapin sa South Korea, at kailangan nila ang isang katulad ni Jen.

Pero sa gitna ng mga problema at pagsubok, kaya ba nilang gumawa ng sayaw na mapapabilib ang buong mundo?

Bukod sa magagandang choreography, maririnig din sa “Indak” ang official soundtracks na “Sumayaw sa Indak” ni Nadine Lustre featuring Pio Balbuena and Shehyee, ang madamdaming version ni Sam ng ‘Ikot-ikot” at ang mahugot na version ni Janine Teñoso ng “Hindi Tayo Pwede”. Sa direksyon ng concert director na si Paul Alexei Basinillo.

Ang “Indak” ay kinunan sa magandang isla ng Bantayan sa Cebu, at sa South Korea.

Umindak patungo sa’yong pangarap. “Indak” ngayong August 7 sa mga sinehan. (Roldan Castro)