Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nag-buhay mayaman, family driver bistado sa social media post

0 133

Dahil sa mga post sa social media, natunton at naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Cavite ang isang family driver matapos umanong tangayin ang pera at sasakyan ng amo nito na nagkakahalaga ng kabuuang halos P1 milyon.

Kinilala ang suspek na si Roy Pader, 41, isang family driver at trustee, matapos arestuhin ng mga operatiba ng CIDG-Cavite sa isang hotel kung saan siya naka-check in.

Nangyari ang pagkakaaresto kay Pader dahil nahagilap ang mga post niya sa Facebook kung saan makikita na umiinom siya habang may mga katabing babae, at naglalakad papasok sa kuwarto ng isang hotel habang nakasunod sa kanya ang apat niyang escort guard.

Nabatid na binigyan ng suspek ng P4,000 bawat isa ang kanyang mga escort.

Ayon sa CIDG, pinagkatiwalaan umano si Pader ng kanyang amo na humawak ng malaking halaga kaya sinamantala niya ang pagkakataon at itinakbo umano ang pera, kasama ang sasakyan.

Pitong buwan nang naninilbihan bilang isang family driver/trustee ang suspek.

Narekober mula umano kay Pader ang isang kalibre .35 na baril at ang van ng kanyang amo na ipinatutubos ng halagang P250,000.

Ayon sa suspek, nagawa lamang niya ang krimen dahil halos 24 oras siyang nagtatrabaho sa P4,000 na suweldo kada linggo. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.