Abante Tonite Interactive

Nag-check in kasama ang chika-babe lolo nangisay sa Chinese viagra

867

Nasawi ang isang 62-anyos na matanda matapos uminom ng sex enhancer na viagra habang nasa loob ng isang hotel kamakalawa sa Sta. Cruz, Maynila.

Nadala pa ng mga hotel staff sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Eduardo, pansamantalang naninirahan sa Sampaloc, Maynila at tubong Imus, Cavite.

Sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-homicide section, nangyari ang insidente ala-1:50 nang hapon sa isang silid sa Anna’s Lodge 2 sa Florentino Torres St., Binondo, Maynila.

Nabatid na pumasok umano ng nasabing hotel ang biktima kasama ang isang Mila ala-1:35 nang hapon at makalipas ang 15-minuto ay umuu­ngol na, nangingisay at naninigas ang biktima.

Nagpasaklolo umano si Mila sa hotel staff para madala sa pagamutan ang biktima pero idineklara itong dead-on-arrival.

Nakita sa belt bag ng biktima ang mga tabletas na nasa loob ng isang maliit na plastic bottle na may label na Chinese character at sinasabing ‘viagra’.
Sinabi ni Mila na kapapasok lamang nila ng hotel at hindi niya akalaing may masamang mangyayari sa biktima.

Nalaman na may tunay na asawa at mga anak ang biktima habang ang naging karelasyon nito’y isang biyuda. (Juliet de Loza-Cudia)