Abante Tonite Interactive

Nag-cutting trip, driver dinakma ng pasaherong pulis

544

By Gene Adsuara

Hindi nakaporma ang isang 36-anyos na jeepney driver nang ares­tuhin siya ng isang pulis na kanyang pasahero nang nag-cutting trip ito sa Dasmariñas City, Cavite.

Kasong Direct Assault at Resisting Arrest ang isinampang kaso laban sa suspek na si Albert Florentino, may-asawa, ng Block 2, Lot 35, Sunny Crest Royale, Brgy. Salitran II, Dasmariñas City, Cavite dahil sa reklamo ni Pat Marion Sebastian, nakatalaga sa RIO5 at residente ng Block 5, Lot 43, Brgy. San Simon Dasmariñas City, Cavite.

Sa ulat ni PS/Sgt. Richard Domingo, ng Dasmariñas City Police Station, sumakay ang biktima kasama ang kanyang 3-anyos na babaeng anak sa pampasaherong jeepney ng suspek na may rutang Pala-pala Area C at vice versa dakong alas-12:45 kahapon nang madaling-araw.

Gayunman, pagsapit sa Brgy. San Simon, at dahil ang biktima na lamang ang kanyang pasahero ay umikot sa ibang lugar ang suspek dahilan upang komprontahin ng biktima at sinabihan na ihatid sila sa kanilang destinasyon subalit imbes na tuma­lima ang driver ay pinaharurot nito ang kanyang jeepney saka biglang tumigil dahilan upang mahulog sa upuan ang biktima at kanyang anak.

Sa puntong ito ay nagpakilala ang biktima na isa siyang pulis suba­lit hindi naniwala ang suspek at tumangging paaresto at kumuha ng vice grip at pinukpok sa ulo ng pulis na hindi naman makaganti dahil sa hawak niya ang kanyang anak.

Gayunman, nakita ito ng ilang by-stander sa lugar na sumaklolo sa biktima at tuluyang inaresto ang suspek.

Nakakulong ngayon sa Dasmariñas Custodial Center ang suspek.