Abante Tonite Interactive

Nag-iisa sa loob ng opisina

236

Napanaginipan kong pumasok ako sa aking pinagtatrabahuhan. Pero nakita kong wala kahit isang tao. Umikot pa ako sa buong opisina pero nag-iisa lang talaga ako. Takang-taka ako kung saan napunta ang mga katrabaho ko.

Ang panaginip tungkol sa trabaho ay isa sa mga itinuturing na most common dreams. Kadalasan sa mga nananaginip nang ganito ay iyong mga mas­yadong seryoso sa trabaho kung saan hanggang sa kanilang pag-uwi sa bahay ay trabaho ang nasa isip.

Ang iyong panaginip kung saan nakita mong walang katao-tao sa iyong pinagtatrabahuhan ay maaaring indikasyon na meron kang pinagdadaanang isyu sa trabaho. Posibleng hindi ka nakakaramdam ng tamang recognition at natatanim sa iyong isip na hindi ina-appreciate ng iyong mga boss ang anumang mga kontribusyon mo.

Pag-aralan ang iyong sitwasyon. Isipin kung merong pagkakataon sa iyong trabaho na na­ramdaman mong hindi ka pinapahalagahan. Meron bang pagkaka­taon na nalagpasan ka ng isang promosyon? Pa­kiramdam mo ba ay hindi sapat ang sinusuweldo mo sa trabahong ibinubuhos mo?

Related Posts

Pero maaari rin naman na hindi tungkol sa trabaho ang mensahe ng panaginip mo. Puwedeng tungkol sa isang personal na sitwasyon tulad sa pamil­ya o kaya ay sa isang relasyon. Maaring dito ka nakakaramdam na hindi ka masyadong appreciated. Kung ito ay sa lovelife, nararamdaman mo bang nagiging malamig ang pagtrato sa iyo ng taong mahal mo?

Ikaw pa rin ang higit na makakatukoy kung saan mo puwedeng ikonek ang iyong panaginip. Kung ito ay konektado nga sa iyong trabaho, kailangan mo munang ipahinga ang iyong sarili. Magrelaks. Alalahaning hindi ka nabubuhay para magtrabaho lamang. Tandaan din na kahit ilang dekada kang magtrabaho, pagdating ng panahon kailangan mo nang magretiro at magbitiw ay napakabilis ka lamang mapapalitan sa iyong posisyon.

Bagama’t mahalaga ang trabaho dahil dito tayo kumukuha ng ikabubuhay, hindi ito ang dapat maging sentro ng ating buhay. Pag-alis ng opisina, iwan muna ang mga alalahanin sa iyong trabaho. ‘Wag hayaang maging alipin ng iyong trabaho ang buong pagkatao mo. Ituring ang iyong pana­ginip na paalala ng iyong isip—may tamang oras para sa trabaho at hindi ito dapat maging laman ng isip sa loob ng 24/7.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER­ ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispirit­wal na aspekto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.