Abante Tonite Interactive

Nag-inuman sa pampublikong lugar, 2 pulis dinakma

281

Dalawang pulis ang nahaharap sa kasong administratibo matapos silang maaktuhang umiinom ng alak sa isang pampublikong lugar sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) kamakalawa sa Quezon City.

Ayon kay Sr. Supt. Romeo Caramat, hepe ng PNP-CITF, naaaktuhan habang nag-iinuman ang dalawang pulis na sina SPO1 Franklin Francisco Nariz, nakatalaga sa Maritime Group, at Police Officer 3 Tristan Bardon Callao, nakatalaga sa Headquarters Support Service, sa Korabs Canteen sa may Lourdes Paredes, San Diego Avenue, Brgy. Socorro, Quezon City.

Sa ulat, alas-10:00 ng gabi nang arestuhin ng pinagsanib na puwersa ng PNP-CITF, Intelligence Group (IG) at QCPD station 7 ang dalawang pulis matapos makatanggap ng impomasyon hinggil sa pag-iinuman ng mga ito sa nabatid na pampublikong lugar.

Ayon naman kay Sr. Supt. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, sinampahan na ng kasong administratibo ang dalawang pulis na posibleng umabot sa kanilang pagkasibak sa serbisyo.