Abante Tonite Interactive

Nag-suicide sa kiss mark

By
657

Dahil umano sa se­los ay nagbigti ang isang 20-anyos na lalaki matapos makitang may ‘kiss mark’ sa leeg ang kanyang live-in partner, kamakalawa sa Daraga, Albay.

Bangkay na nang madiskubreng nakabigti gamit ang nylon cord na itinali sa kanyang leeg at ipinulupot sa kisame ng bahay ang biktimang nakilalang si Raymundo Aperin, residente ng Barangay Salvacion ng nabatid na bayan.

Sa ulat ng pulisya, dumating ang biktima mula sa Laguna kung saan ito nagtatrabaho Martes ng hapon at napansin nitong may ‘kiss mark’ sa leeg ang kinakasama nito, dahilan upang pagsimulan ng away ng dalawa.

Kinagabihan ay uminom ng alak ang biktima at nang malasing ito ay saka pumasok ng kanilang bahay upang doon isagawa ang pagpapakamatay.

Kinabukasan na na­tuklasan ang pagbibigti nito nang bumungad sa kanyang kinakasama ang bangkay nito pagkagising.

Teyorya ng pulisya, posibleng dinamdam ng biktima ang nakita sa leeg ng kanyang live-in partner dahilan upang magselos nang todo at nang malasing ay naisipang magpakamatay.