Abante Tonite Interactive

Nag-uuwi ng buto ng pakwan sa lamay

250

Kung masakit ang namamatayan ng mahal sa buhay, kakaiba ang kapitbahay kong si Emma dahil parang tuwang-tuwa itong may pinaglalamayan.

Nadiskubre ko ito nang mamatay ang tiyo ko noong August at sumunod ding namatay ang tiya ko nitong nakaraang linggo.

Sa umpisa ay aakalain mong bukal sa dibdib ang pakikiramay ng kapitbahay kong si Emma pero me­ron pala itong hidden agenda.

Ang sistema niya ay makikisali muna siya sa dasal sa lamay, pag malapit na ang kainan ay iti-text na niya ang kanyang apat na anak at makikikain na rin sila.

Halos araw-araw nila itong ginagawa kaya kapuna-puna na. Akala ko nga noog una ay ako lang ang nakakapansin pero nahalata rin pala sila Emma ng mga kamag-anak kong tumutulong mag-estima ng mga bisita.

Sa hapon nga lang ay nalilibre na siya sa kape, juice at meryenda dahil nakikibingo at nakiki-tong its na siya. Tiba-tiba pa minsan dahil nananalo pa.

Kung hindi lang nakakahiyang magtaboy nang nakikiramay ay ginawa ko na kasi ultimo kornik, buto ng pakwan, cupcake, juice, ulam at kung ano-ano ay inuuwi pa.

Bato-bato sa langit, kung tamaan man si Emma ay matauhan sana siya’t wag magagalit.

Anonymous ng Sta. Cruz, Laguna

Kung kayo ay may kapitbahay na may kahanga-hanga, nakakatuwa, nakakaasar o kapana-panabik na kuwento na gusto ninyong i-share dito ay sumulat na agad o mag-email sa ‘Kapitbahay mo, i-blind item mo!’ E-mail: kapitbahay.tonite@gmail.com.