Abante Tonite Interactive

Nag-uwi ng virus sa probinsiya

466

May ikalawa nang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Eastern Visayas region at parehong matatagpuan ito sa isla ng Samar. Ang unang nagpositibo dito ay ang 51 anyos na babae sa Catarman, Northern Samar. Nag negatibo na siya at pinalabas na ng ospital subalit pinayuhang sumailalim sa home isolation sa loob ng 14 araw.

Ang ikalawang kaso naman ay ang 63-anyos na lalaki mula sa Calbayog City na katabi lamang ng Northern Samar. Napag-alaman ng Philippine News Agency kay DOH Eastern Visayas Director Minerva Molon na ang ikalawang pasyente ay nanggaling sa Metro Manila kung saan niya nakuha ang virus at umuwi sa Calbayog City noong Marso 8.

Ang pasyente na nakakaranas ng dry cough, ay nakatakdang ilipat sa Eastern Visayas Regional Medical Center mula sa isang ospital sa Calbayog City bunsod ng “high-risk health conditions.” Dalawang beses na siyang pumasok sa isang pribadong ospital mula Marso 21-25 dahil sa flu-like symtoms.

Dahil sa balitang ito, nagdulot ito ng panik sa Calbayog kaya naman pinakalma ni Mayor Ronaldo “Onald” Aquino ang kanyang mga constituent at pinayuhan na manatili sa bahay. “I urge the public to stop posting and sharing wrong information on social media about this issue. I will order the police to put you in jail and face the consequences. Don’t add fuel to the fire and stay at home.”

Ayon sa mga kumalat na balita, mismong sa Barangay San Policarpio o Ipao naninirahan ang nagpositibo sa COVID. Ang barangay chairperson ng Ipao ay ang mismong asawa ni Mayor Aquino. Isinailalim na sa lockdown ang barangay, Martes nang tanghali at agad na namigay ng relief goods sa mga naipit na residente.

Nakakabilib ang ginawang hakbang ni mayor at ng kanyang maybahay na kapitana para mapigil ang pagkalat ng virus sa siyudad. Sana ganyan din ang ginagawa ng iba nating alkalde sa Metro Manila. Yung iba kasi, namuti na ang mata ng mga tao pero wala pang nakakarating kahit lata man lang ng sardinas.

Halos lahat yata ng COVID cases sa mga lalawigan, puro nanggaling sa Metro Manila. Hindi man sila nagbiyahe sa ibang bansa, nahawa na sila sa mga carrier sa Kalakhang Maynila bago nag-uwian sa probinsiya. (END)

Tonite – Wendys Inhouse Ad