Abante Tonite Interactive

Nag-withdraw ng pang-bday ng mother todas sa holdaper

563

Hindi na natuloy ang masaya sanang selebrasyon ng kaarawan ng ina matapos barilin at mapatay ng mga holdaper ang isang checker at tangayin ang perang­ winithdraw nito sa bangko na pambili ng handa sa Quezon City, nitong Huwebes ng umaga.

Ang biktima ay si Rogelio Maliglig Lopez, 41, binata, ng Zenco Sales Inc., at taga-159 Quirino Highway, Brgy. Baesa, QC.

Sa inisyal na report sa Crimi­nal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang insidente ay naganap alas-singko ng umaga sa harap ng Metrobank sa Quirino Highway, Brgy. Baesa.

Inutusan umano ang biktima ng kanyang ina na i-withdraw ang kanyang ‘monthly pension’ na nagkakahalagang P11,000 upang gamiting panghanda
sa kanyang kaarawan.

Pauwi na ang biktima dala ang nasabing halaga nang big­la itong hinarang ng dalawang ‘di kilalang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo at nagpaha­yag ng holdap.

Nagtangkang tumakbo ang biktima subalit bumaba ang isa sa mga holdaper hanggang magpambuno ang dalawa. Pagdaka’y binaril ng holdaper ang biktima, nilimas ang nasabing halaga at agad na tumakas.

Isinugod pa si Maliglig sa Quezon City General Hospital subalit idineklara itong dead-on-arrival. (Dolly Cabreza)