Abante Tonite Interactive

Nagdahilang lasing siya

By
129

Dear Kuya Rom,

We are married for 10 years now. Ngayon, nagsabi siyang ayaw na niya sa akin. Na-shock ako. Buntis pa naman ako.

Pangatlong anak na namin ito. Ang kutob ko, ang dahilan ay isang babaeng katrabaho niya. Hindi niya inaamin.

Ang sabi niya, mahal niya ako noon, pero hindi na ngayon. Nakakalito ang mga salita niya. Gusto ko sanang mag-usap kami, pero hindi siya umuuwi.

Hindi na siya nakikita ng mga anak namin. Nami-miss siya ng mga bata, pero parang wala siyang pakialam sa kanila, kahit niya sinasabing mahal niya sila.

Minsang umuwi siya at nagpalit ng damit, may nakita akong papel sa bulsa ng polo niya.

Isang resibo ng biniling damit ng babae na may halagang P4,950.00. Pagkaraan ng dalawang linggo, pagbalik niya sa bahay, tinanong ko siya kung para kanino ang binili niyang damit.

Hindi niya ako sinagot, nagdahilang lasing siya at ayaw niyang makipag-usap. Ugali niyang iwasang pag-usapan ang mga problema namin.

Baliw ba ako na mahalin siya at manatiling asawa niya kahit na wala na siyang pagmamahal sa akin at wala nang katatagan sa relasyon namin?

Kung totoong hindi na niya ako mahal, anong magagawa ang pagmamahal ko sa kanya? — Perly

 

Dear Perly,

Ang pundasyon ng matatag na relasyon ng mag-asawa ay pag-ibig at katotohanan.

Paghariin ang dalawang ito upang manatiling matatag ang pagsasama ninyo.Suriin mo ang iyong sarili at alamin kung saan ka nagkukulang.

Kulang ka ba ng mabuting pag-uugali? Ang masamang pag-uugali at pagiging makasarili ay isang dahilan ng pagkasira ng relasyon ng mag-asawa.

Isabuhay mo ang mabuting asal, maging kalmado ka, maging mahinhin ka, at hindi masalita.

Ang kadaldalan ay madalas na nagreresulta sa kawalan ng galang. Halimbawa, ang taas ng tono sa pagsasalita ay lalabas na galit at hindi paggalang.

Ang hindi paggalang sa iyong mister ay insulto sa kanya at maaaring maging dahilan ng paglaho ng kanyang pagmamahal sa iyo.

Mabuting sikapin mong igalang mo iyong mister, kahit hindi siya kagalang-galang, bilang pagsunod sa Diyos.

Ang panatilihing maghari ang pag-ibig na may paggalang ay kailangan upang manatiling matamis ang pagtitinginan ninyong mag-asawa.

Manalangin ka sa Diyos na nawa’y bigyan ka ng karunungan upang maipakita at maipadama mo sa iyong mister ang tunay na pag-ibig.

Nakakalimutan mo bang magpaganda? Ito ay pagkukulang. Alagaan mo iyong sarili, panatilihin mong maganda ang iyong mukha at sexy ang iyong katawan, kahit buntis ka.

Iwasan mong sobrang tumaba habang ikaw ay buntis. Maging intentional ka sa iyong gagawin upang ganap na matugunan ang anumang kakulangan.

Samantala, humingi ka ng tulong sa isang abogado para maging responsable ang iyong asawa sa pagsustento sa pangangailangan mo at ng iyong mga anak.

Perly, may kasunod na payo para sa iyo. Abangan!

Payong kapatid, Kuya Rom