Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Naghanap ng trabaho, na-rape slay

0 144

Isang 19-anyos na dalaga na naghahanap ng trabaho ang ginahasa at pinatay ng isang lalaki na kanyang nakilala sa social media sa Bautista, Pangasinan kamakalawa.

Ang biktima na hindi na lamang pinangalanan ay taga-Dagupan City sa nasabing lalawigan.

Ayon sa ulat ng Bautista Police Station, natagpuan ang bangkay ng dalaga sa isang bakanteng lote sa bayan ng Bautista, na posibleng nasawi mula sa pananakal ng suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ayon sa pamilya ng biktima, nag-post diumano ito sa Facebook para maghanap ng trabaho.

May isang lalaking nag-chat umano sa biktima at inalok ito ng trabaho.

SM food to go Banner Ad

Inalok pa umano ng trabaho ng suspek ang biktima bilang tagapag-alaga ng bata sa kanyang tiyahin. Sinundo pa umano ng naturang suspek ang biktima sa kanilang bahay sa Barangay Lucao, Dagupan City.

Sa kagustuhang magkatrabaho, pumayag na makipagkita ang biktima sa ka-chat subalit hindi na ito nakauwi pa hanggang sa natagpuan na lamang ang bangkay sa bayan ng Bautista.

Samantala, agad namang nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad na humantong sa pagkakadakip ng isang 21-anyos na suspek na hindi muna pinangalanan ng pulisya.

Umamin umano ang suspek sa ginawang panghahalay at pagpatay sa biktima.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa detention cell ng Bautista Police Station. (Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.